Apektado ng Army worms o Harabas ang mga pananim na sibuyas ng 9 na bayan at tatlong lungsod sa lalawigan ng Nueva Ecija. Ito ay kinabibilangan ng Bongabon, Talavera, Cuyapo, Llanera, Gapan, Quezon, Carranglan, Laur, Rizal, Science City of Munoz, Sto. Domingo at San Jose City.
Base sa assessment report ng Office of the Provincial Agriculturist as of march 12, 2018 ang pinakaapektado ay ang lungsod ng San Jose at Sto. Domingo kung saan 25 na magsasaka ang apektado sa Sto. Dominggo. Habang 2, 345 naman ang apektadong magsasaka sa lungsod ng San Jose.
Sa kabuuan, base sa farm gate price, umaabot sa 211, 541, 292. 00 ang halaga ng mga red creole o pula, red shallot o tanduyong at puting sibuyas na nasira ng harabas.
Ayon kay Serafin Santos, Provincial Agriculturist, nagsagawa sila ng validation bilang pagtalima sa utos ni Governor Czarina Umali at lumabas na out of 9,000 hectares na natamnan ng sibuyas halos sampung porsyento lamang umano ang naapektuhan, sa 10% na apektado ay 20% lamang ang totally damaged at yung 80% ay meron pa namang marerecover o pag asang makuha.
Paliwanag pa niya dahil sa pakikipagtulungan nila sa Regional Crop Protection Center ng Department of Agriculture kung kaya’t kokonti lamang ang napektuhan ng harabas.
Dagdag pa ni Santos, maaring sa susunod na anihan ay magkaroon ng rehabilitation program ang Department of Agriculture, at magbibigay ng libreng buto ng sibuyas para sa mga magsasakang apektado ng army worm.
Kabilang sa mga magsasakang apektado sa lungsod ng San Jose ay si tatay Artemio, limapu’t tatlong taong gulang na at kasalukuyang magsisibuyas sa limang ektaryang lumang pinagtataniman ng mga sibuyas. Kwento ni tatay, ang pinakamalaking problema nila ngayon ay ang pamemeste sa kanilang pananim.
Aminado si tatay artemio na malungkot silang mga magsisibuyas sa nangyaring pamemeste sa kanilang lugar.
Dagdag pa ni tatay Artemio, pinilit lang nilang anihin ang mga pananim, makabawi lamang aniya sa gastos na kanilang ipinuhunan.
Daing naman ni Henry Castillo na sana ay makabawi na lamang sa halagang daang libong pisong ginastos o pinuhunan nila sa pagtatanim na ipinangutang lamang umano nila.
Dagdag pa niya, nagmistulang inagaw na lamang nila sa mga uod ang mga tanim para mapakinabangan ito.
Samantala nagpaabot naman ng mensahe ang dalawa na matugunan at mabigyang atensyon ang mga pangaingailangan ng magsasaka katulad na lamang ng ayuda na mangagaling sa gobyerno lalo na sa mga ganitong sitwasyon.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran