Kakaiba ang Flores De Maria na isinagala ng parokya ni Sta. Cecilia sa Lungsod ng Palayan kung saan bida ang mga katandaan o Senior Citizens.
Abot langit ang ngiti ni Lola Aning bilang Mother of Divine Mercy, dahil aniya nabigyan sila ng pagkakataon na maranasan na maisagala ang kagandahang taglay kahit na may edad na.
Dagdag pa nito, ang pakikibahagi sa ganitong mga okasyon ay nakakasigla at nakakahaba ng buhay.
Para naman kay Jerson Aquino Francisco, isang Fashion Designer, dayo ngunit nakibahagi din sa pagdiriwang, ang mga kababaihan ang nagpapakita ng katotohanan at kahalagahan kaya mayroong ginaganap na Flores de Maria, ang katandaan din aniya ang ehemplo ng pananampalataya.
Ayon kay Father Angelo Fernando, Magandang pagkakataon ito na hindi lang mga magaganda, mga bata, ang maaring itampok sa mga ganitong okasyon.
Paalala pa ng Kura Paruko, mas maganda pa rin aniya ang kagandahang panloob kaysa sa kagandahang panlabas katulad ng magagandang karakter ni Birheng Maria.
Para sa simbahan,si Maria ang pinakamagandang bulaklak Dagdag pa nito.
Samantala bago ang okasyon ay nagkaroon ang parokya ng sampung araw na Novena kung saan ang mga bata ay nag aalay ng mga bulaklak kay Maria.
Ang sagala ay naglalayong ipakita ang kagandahan na karakter ni Maria bilang huwaran sa pananampalataya ng mga katoliko.
Kabilang sa mga isinasabuhay ay ang mga naunang tawag kay Maria katulad na lamang ng Causa salutis o Cause of Our Salvation, Our Lady of Immaculate Conception, Our Lady of Fatima, Our Lady of Assumption, Regina Coeli o Queen of Heaven, Causa Nostrae o Cause of Our Joy, Stella Maris o Star of The Sea, Mother of Mercy, Gothic Madonna,Mary The New Eve and Mary Ever Virgin.
Sa pagtutulungan ng Finance Committee,Barangay Pastoral Council at ni Father Angelo Fernando sa ngayon ay nakalikom ang simbahan ng pondong nagkakahalaga ng P319, 000 para sa pagawain at pagpapaunlad ng simbahan.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.