Kokolektahin na simula ngayong araw ang mga ballot boxes sa apat na bayan at dalawang lungsod ng ikatlong distrito ng Nueva Ecija upang dalhin at bilangin sa House of Representative Electoral Tribunal kaugnay ng electoral protest na inihain ni Former Governor Aurelio Umali laban kay Rossana Vergara na nakaupong kongresista.
298 na kahon ng balota ang kukunin sa Cabanatuan City habang 228 mula sa mga bayan ng Gabaldon, General Natividad, Laur, Palayan City at Sta. Rosa.
Ayon kay Teofilo de Castro Jr., Examiner, HRET, ang kanilang grupo ang naatasang mangolekta ng ballot boxes. Nangako ito sa mamamayan sa harap ng media na magiging non-partisan at titiyaking magiging ligtas ang mga balota.
Ikinatuwa naman ng mga abogado ni Former Governor Umali ang development sa kaso maging ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan partikular ang mga treasurer’s office ng bawat munisipyo at city hall kung saan nakalagak ang mga ballot boxes.

Pinakokolekta ng HRET ang mga balota sa 3rd District maliban sa bayan ng Bongabon upang muling bilangin
Sa panayam kay Atty. Eduard Violago, sinabi nito na mahalagang hakbang ang pagbawi ng HRET sa mga balota dahil ang mga ito ang gagamitin nilang ebidensya upang patunayan ang dayaan noong 2016 Election.
Paliwanag nito, may mga hawak silang dokumento na nagsasabing may mga namatay na nakaboto pa at may mga presinto na maraming bumoto kaysa registered voters.
Ngayong araw September 6, 2017 naka-schedule na kolektahin ang mga ballot boxes sa Gabaldon, September 7 sa General Natividad, September 8 sa Laur, kasunod ang Palayan City, Sta. Rosa at sa September 13, 2017 sa Cabanatuan. Sa September 14 inaasahan na maihahatid na sa HRET ang mga balota para doon bilangin.
Matatandaan na iprinoklama ng Provincial Board of Canvassers na nanalo bilang kongresista ng 3rd district si Ria Vergara kontra kay Umali sa lamang na 2,579 votes.-Ulat ni Clariza de Guzman