Umaapela si PSSUPT Ronaldo Llanera, Deputy Regional Director for Operation sa mga may-ari ng motorsiklo na huwag iiwanan ang rehistro at resibo sa compartment ng kanilang sasakyan at lagyan ito ng locking device upang hindi maitakas kapag nakaparada lalo na sa mga pampublikong lugar.
Bunsod ito ng mataas na kaso ng motornapping incidents sa Cabanatuan City na iprinisenta sa ginanap na Weekly Oversight Committee Hearing ng Philippine National Police Region 3 sa Podium Events Center, Cabanatuan City.
Sa report ng Cabanatuan Police Station, lumabas na bumaba ng apat na insidente ang naitalang limampo’t pito noong March-August 2016 kumpara sa 53 cases ng kaparehong mga buwan ngayong taong 2017, ngunit nananatili namang unsolved ang 37 cases noong nakaraang taon, 14-naresolba at 6-cleared. Habang 46 ang unsolved ngayong taon, 4 -solved at 3-cleared.

Napag-alaman din na madalas na ninanakaw ang Kawasaki Bajaj at Yamaha MIO dahil kaya itong paandarin kahit walang susi
Ayon kay PSUPT Ponciano Zafra, nakikitang dahilan ng mataas na kaso ng motornapping ay ang dami ng bilang ng tricycle sa lungsod, ang pagiging sentro nito ng komersiyo at kalakalan at kakulangan na rin ng bilang ng mga pulis.
Upang mapababa ang insidente ng pagnanakaw ng motor ay mas pinaiigting umano ng Cabanatuan Police ang kanilang koordinasyon sa Provincial Highway Patrol Team, Land Transportation Office at City Legalization Office. Nagsasagawa rin ng Checkpoint at dialogue sa Tricycle Operators and Drivers Association.
As of August 29, 2017 labing dalawa na ang naaresto na may kaugnayan sa motornapping kabilang sina Number 1 Most Wanted Person, Romark Golinsay y Sagun at Number 9 Vergel Ignacio y Pascual na kapwa nahuli noong March 16, 2017 at Number 8 na si Arvin Jay-Ar Niño Ucol y Mangahas, na nadakip noong April 22, 2017. Samantala, patuloy na pinaghahanap sina Alfredo Carpio y Martinez, Jerome Garcia y Martinez, Paulo Añasco y Ramos pawang mga residente ng Lourdes, Cabanatuan.- Ulat ni Clariza de Guzman