Alas-nuwebe ng umaga ng magkasabay na tumungo ang mag-asawang sina Nanay Ising, 67 anyos at Tatay Jose 86 anyos sa Munisipyo ng bayan ng General Natividad, dahil nabalitaan nila na mayroong ginaganap na Malasakit Caravan ang Pamahalaang Panlalawigan.

Bagama’t may tungkod ng maglakad ang kaniyang asawa ay ninais pa rin nilang makapunta upang makatanggap ng libreng Flu Vaccine.

Ayon kay Nanay Ising, maituturing na siyang suki sa dalas niyang makatanggap ng mga programang ibinababa ng Provincial Government sa kanilang bayan.

Dahil aniya tunay na napapakinabangan at natutugunan ng kapitolyo ang pangangailangan ng isang katulad niyang Senior Citizen.

Ilan lamang sila sa Isang Daan at Tatlumpu’t Limang Senior Citizens na nakatanggap ng libreng bakuna.

Ayon kay Yolanda Patricio ng Provincial Health Office, kung susumahin ang halaga ng isang bakuna ay aabot ito sa halos Dalawang Libong Piso.

Kaya’t ito ay maituturing na malaking kapakinabangan upang maproteksiyunan ang kalusugan ng mga Senior Citizens laban sa ubo, sipon at lagnat sa loob ng isang taon.

Bukod sa Free Medical Services na flu vaccine, minor surgery, dental and medical check-up ay patok din na pinipilihan ang haircut, manicure and pedicure at massage ng Provincial Manpower Training Center(PMTC).

Katulad na lang ni Aling Angelina na sinulit ang mga libreng serbisyo. Matapos kasi niyang mabakunahan ay dumiretso agad siya sa libreng gupit.

Sa kabuuan, mahigit Dalawang Libo at Anim na raang mamamayan ang naserbisyuhan nito

Inilunsad ang Malasakit Caravan sa bayan ng General Natividad bilang bahagi ng Ika-121 anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija na dinaluhan ni Gov. Cherry Umali.

Malugod at matiyagang nilibot ng Gobernadora ang bawat booth kasama si Mayor Levi Santos. Isa na nga sa kaniyang pinuntahan ang Agriculture Seminar na pinamumunuan ng Office of the Provincial Agriculturist(OPA).

Sa pahayag ni Gov. Umali, laging handang tumulong ang kapitolyo sa lahat ng pangangailangan ng mga Novo Ecijano lalo na sa hinaing ng mga magsasaka.

Inaalok din ng Provincial Government ang mga serbisyong legal consultation, PESO jobs fair, OWWA assistance, seedling distribution, appliances repair, motorcycle repair and tune-up, kitchen on wheels, breadmaking, grocery packs at marami pang iba.

Abangan ang Malasakit Caravan sa inyong mga lugar. –Ulat ni Danira Gabriel