Aktwal na maranasan ang proseso ng pagbibigay serbisyo sa mga mamamayan, ito ang layunin ng Youth Engage in Public Service ng Pamahalaang Panlalawigan, ayon kay Billy Jay Guansing, Chairman ng Provincial Youth and Development Office.

Kahapon, labing limang youth leaders na nagmula sa iba’t ibang Kolehiyo at Pamantasan sa Probinsya, ang nabigyan ng pagkakataon upang mamuno ng isang araw sa ilang Departamento at Opisina ng Kapitolyo.

Ito ay programa ng Pamahalaang Panlalawigan na nasa ikatlong taon na, na sinimulan sa panunungkulan ni Governor Aurelio Matias Umali, na ipinagpatuloy ng kanyang kabiyak at kasalukuyang gobernadora na si Governor Czarina “Cherry” Umali.

Sinabi ni Guansing na ibinubukas ng Kapitolyo ang pintuan para sa mga kabataan upang maipakita ang transparency at public accountability ng Pamahalaang Panlalawigan.

Dagdag nito, kinonsidera ang mga kurso, family background at community services ng mga estudyante kung saang opisina sila itinalaga upang mas magampanan nila ng maayos ang mga tungkuling iniatang sa kanila.

Nanumpa ng katapatan sa katungkulan ang labing limang youth leaders sa harap ni Governor Cherry at pagkatapos ay isa-isa na silang inihatid sa kani-kanilang departamento at opisinang paglilingkuran.

Isa si Ericka Marcelo, Pharmacist student ng Our Lady of Fatima Cabanatuan Campus, sa labing limang youth leaders, na naitalaga sa Provincial Health Office. Aniya malaking bagay para sa katulad niyang estudyante ang mabigyan ng practical skills sa pagbibigay ng serbisyo para sa mga mamamayan.

Bilang Social Science student ng Central Luzon State University ay sisikapin namang tugunan ni Joshua Navales ang tungkuling iniatang sa kanya sa pamamagitan ng kanyang mga natutunan sa paaralan.—Ulat ni Jovelyn Astrero