Umabot sa 29 na mga Micro Small and Medium Enterprises (MSMEs) na mula sa lalawigan ang lumahok sa kauna-unahang Taas Noo Novo Ecijano Trade Fair ng Department of Trade and Industry (DTI) na idinaos sa isang Mall sa Lungsod ng Cabanatuan, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Ika-121 anibersaryo ng Unang Sigaw.
Ayon kay DTI Provincial Director Brigida Pili, layunin ng programa na isakatuparan ang misyon ng ahensiya na palaguin ang mga negosyo at patuloy pang makilala ang mga lokal na produkto.
Ito ay dinaluhan ng mga opisyales ng Local Government Unit (LGU’s), ahensiya ng gobyerno, mga miyembro ng Nueva Ecija Micro Small and Medium Enterprises Development Council, mga guro, mag-aaral, media at iba pa.
Bilang kinatawan ni Gov. Cherry Umali, inihatid ni Provincial Tourism Officer Lorna Mae Vero ang mensahe na ipinaabot ng gobernadora.
Aniya, ang paglago ng turismo ang isa sa prayoridad ng Pamahalaang Panlalawigan. Dahil kapag malago ang turismo madami ang mabibigyan ng trabaho.
Target ng ahensiya na makabenta ng P300,000 kada tindahan, na hindi naman aniya imposible sa dami ng mga tumatangkilik sa mga produkto.
Kagaya na lamang ni Leonora na bumili ng kitchen utensils mula sa Casamoda handicrafts.
Isa din sa mga mabiling produkto ay ang Kape De Kamote na isa sa Herbal and Food Products ng MERIKA.
Ang Trade Fair ay nagsimula noong August 25 – 31, 2017. –Ulat ni Danira Gabriel