Nabigyan umano ng magandang aral at inspirasyon ang mga mananampalatayang Novo Ecijano matapos mapanood ng personal at sa telebisyon ang itinanghal na Senakulo ng grupong nagmula pa sa maynila, ang Alpha Omega Theatrical Production, nitong nagdaang Semana Santa.
Isa ang lalawigan ng Nueva Ecija sa iba’t ibang lugar sa Luzon na binisita ng Alpha Omega upang magtanghal ng isang pagsasadula sa buhay ni Kristo sa pamamagitan ng teatro.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay binisita ng grupo ang lalawigan bilang unang destinasyon ng kanilang tour ngayong taon.
Nagtanghal ang grupo noong nakaraang Martes, March 30, sa Freedom Park, Cabanatuan City, kung saan dumalo ang mahigit kumulang walong daang Novo Ecijano.
Paliwanag ni Melbourne Corneja, isa sa mga Artistic Directors, layunin ng Senakulo na ipaalala sa mga Pilipino ang ginawang pagsasakripisyo ni Jesu-Kristo para sa kaligtasan ng mga tao.
Ayon kay Rodel Aquino, Alpha Omega Theatrical Production Over-All Artist Director, hindi lang isang ordinaryong pagsasadula ang kanilang itinatanghal taun-taon.
Dagdag pa ni Aquino, mahigit isang buwan ang ginawa nilang paghahanda upang mas madama umano ng mga manonood ang malalim na mensahe ng kanilang pagsasadula.
Sinimulan ang pagtatanghal ng Senakulo mula sa kapanganakan ni Jesu-Kristo hanggang sa kanyang pagkamatay sa krus ng kalbaryo.
Itinatag ang Alpha Omega Theatrical Production na noo’y Ecclesia Production pa noong 1975 habang nagsimula namang magtanghal ng Senakulo noong 1994 kung saan mga estudyante at young professionals ng Pentecostal Missionary Church Of Christ 4th Watch ang mga gumaganap na nagmula pa sa Marikina City, Laguna At Batangas.
Ayon sa kanila, sa pamamagitan ng pagtatanghal ay naipakikita nila ang kanilang pananampalataya sa Panginoon.
Samantala, labis ang pasasalamat ni Aquino sa mga sumuporta at tumulong sa kanila upang maging posible ang kanilang pagtatanghal sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Bukod sa nueva ecija, nagtanghal rin ang alpha omega noong nakaraang linggo sa Dau, Pampanga, Malolos Bulacan, Makati City at Marikina City. – Ulat ni Janine Reyes
[youtube=http://youtu.be/hxqR9itVjyM]