Mula ng makumpirmang positibo sa bird flu ang dalawang poultry farm sa dalawang bayan ng Nueva Ecija hanggang sa kasalukuyan ay matumal na umano ang bentahan ng mga manok at itlog sa Public Market ng Lungsod ng Cabanatuan.
Kung dati ay nakakapagbenta ng isang libong piraso ng manok si Ate Lenlen Vidal, ngayon ay isang daang piraso na lamang ang nabibili sa kanilang pwesto na ibinebenta nila sa halagang 80-100 piso.
Aabot naman sa walong libong piso ang deperensya ng dating kinikita ni Ate Marisol Amor kumpara sa kasalukuyan, mula sa sampung libo ay bumaba ito sa dalawang libo.
Kung ang normal na presyo ng manok ay 120 pesos, ngayon ay ibinebenta ito ni Ate Mercy Del Rosario ng isang daang piso upang makapang-akit ng mamimili, siniguro din nito na fresh at walang bird flu ang kanilang mga paninda. Mula sa tatlumpong libong pisong kita nila ay bumagsak ito sa sampung libong piso.
Dahil sa tumal ng benta ay binargain na lamang ni Aling Cristy Cantilla ang kanyang mga panindang itlog, naglalaro sa 4.50 hanggang 5 piso kada piraso ang halaga ng kanyang paninda.
Tatlong kahon ng mga itlog na nagkakahalaga ng mahigit na limang libong piso ang dating naibebenta ni Aling Cristy, ngunit ngayon ay halos isang kahon na lamang ang kanilang benta.
Sa kabila ng pagkakaroon ng kaso ng bird flu ay kumakain pa rin umano ng manok si Ate Luzviminda Delos Santos. Aniya niluluto naman nilang mabuti ang manok bago kainin at wala silang nararamdamang anumang masamang epekto nito sa kanilang katawan.
Samantala, upang mawala ang takot ng mga mamamayan ay nagsagawa ng mass eating ng manok at itlog ang College of Veterinary Science and Medicine ng Central Luzon State University, na nilahukan ng isang libong VetMed students at faculty and staff ng naturang Kolehiyo, noong ika-24 ng Agosto.
Matapos ang mass eating ng manok at itlog sa CLSU ay lumabas sa balita ang confirmatory tests na ipinadala sa Australian Animal Health Laboratory na positibo sa H5N6 strain ang avian flu virus na pinagmulan ng outbreak sa Lalawigan ng Pampanga.
Bagama’t nakakahawa sa tao ay sinabi ni Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry’s Animal Disease Control Section head Dr. Arlene Vytiaco na napakaliit na porsyento lamang ang posibilidad na ito ay mailipat o magdulot nang pagkamatay.—Ulat ni Jovelyn Astrero