Dalawang taon makalipas ang makasaysayang pagbunot at kilos protesta sa field testing ng golden rice noong August 8, 2013 ay mas pinalakas at mas pinalawak pa ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura o MASIPAG at ng iba’t ibang progresibong organisasyon ang STOP GOLDEN RICE! NETWORK.

Ang aksyong ito ay bunsod ng panibagong aplikasyon para sa field testing at direct use ng Golden Rice, na nakatakdang isagawa sa Philippine Rice Institute sa Science City of Muñoz at sa San Mateo, Isabela.

Ayon kay Alfie Pulumbarit, Advocacy Officer ng MASIPAG, nababahala sila sa nakaaambang field trial at komersyalisasyon ng golden rice dahil sa banta nito sa kalusugan. At sa kasalukuyan ay wala pa rin umanong naipipresenta ang mga nagsusulong nito na pag-aaral, na ligtas itong kainin.

Dagdag ni Pulumbarit, upang alamin ang estado ng aplikasyon ng golden rice ay direkta ng lumiham ang kanilang grupo sa Department of Agriculture-Bureau of Plant Industry o DA-BPI, ngunit wala silang nakuhang maayos na kasagutan. Dahil dito ay nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa National Anti-Poverty Commission upang bigyang linaw ang nasabing usapin.

Kinausap na rin aniya ng kanilang grupo ang Anak Pawis Partylist upang makapagsulong ng isang House Resolution para imbestigahan ang field testing ng golden rice, dahil importante aniya na mainvolve ang mas nakararami tungkol sa usaping ito dahil kalusugan ng mamamayan ang nakasalalay dito.

Itinuturing ng mga nagsusulong ng golden rice na isang Genetically Modified Organisms o GMO na nagtataglay ng Beta Carotene na pinanggagalingan ng Vitamin A, na ito ang sagot sa milyong mga batang nagkakasakit, nabubulag at namamatay dahil sa kakulangan ng Bitamina A.

Ayon sa 2015 Updating of the Nutritional Status of Filipino Children ng Food and Nutrition Research Institute-Department of Science and Technology o FNRI-DOST, ang Pilipinas ay nahaharap sa malalang problema sa malnutrisyon sa mga batang 0-2 years old na pumapalo sa 26.2% sa huling sampung taon.

Lumalabas na bente porsyento ng mga kabataan sa bansa ay may Vitamin A deficiency o VAD.— Ulat ni Jovelyn Astrero