Isa sa tinututukan ngayon ni Incoming Vice Mayor Doc. Anthony Umali ang pagbisita sa mga Pampublikong Paaralan ng Elementarya sa Lungsod ng Cabanatuan upang alamin ang mga pangunahing suliranin at pangangailangan ng mga ito na dapat pagtuunan ng pansin.
Tatlong paaralan ang nauna ng binisita ni Doc. Anthony na kinabibilangan ng MS Garcia Elementary School, San Josef Elementary School at Daan Sarile Integrated School kung saan ito nagpamahagi ng dalawang balde ng mga pintura para sa pagsisimula ng Brigada Eskwela.

Nakiisa si Incoming Cabanatuan City Vice Mayor Doc. Anthony Umali sa Brigada Eskwela sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga pintura sa mga Pampublikong Paaralan ng Elementarya.
Naniniwala si Doc. Anthony na mas mapapataas ang antas ng karunungan ng mga mag-aaral kung mayroon silang maayos na mga silid-aralan at mga kagamitan.
Sa nalalapit na pag-upo ni Doc. Anthony bilang Pangalawang Punong Lungsod sa Hulyo, isa aniya ang edukasyon sa kanyang tututukan upang masigurong mabigyan ng magandang edukasyon ang mga kabataan.
Magpapatuloy ang paglilibot ni Incoming Vice Mayor Umali sa iba pang mga paaralan upang pagkalooban din ng mga pintura at iba pang kagamitan para sa paghahanda sa nalalapit na pasukan.
Malaki naman ang naging pasasalamat ni Maam Girlie Sacdal, OIC ng Daan Sarile Integrated School kay Doc. Anthony, dahil sa kanyang patuloy na pagsuporta at pakikiisa sa paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng mga eskwelahan.
Ayon sa kanya, inaasahan nito na mas mapapaunlad pa ang edukasyon sa Lungsod ng Cabanatuan kapag naupo na si Doc. Anthony sa City Hall bilang Vice Mayor. -Ulat ni Shane Tolentino