Tatlumpu’t anim na mga natatanging kabataang Novo Ecijanos ang dumaan sa matinding tanungan mula sa Panel of Interviewers upang depensahan ang kanilang mga natatanging kontribusyon sa lipunan at kilalanin bilang The Outstanding Young Novo Ecijanos o TOYNE.

Ang Panel of Interviewers ay binubuo nina Cherica Ruby Claudio, Chief ng Technical Service Division ng DENR-PENRO Nueva Ecija; Regional Director William Beltran ng Philippine Information Agency-Region III; at Brig. Gen. Ramon Santos, Former Undersecretary ng DOE, DENR at OPAPP.

Ito na ang ika-limang taon ng TOYNE na programa ng Pamahalaang Panlalawigan na sinimulan noong 2013 sa panunungkulan ni Former Governor at ngayon ay First Gentleman Atty. Aurelio Umali, na ipinagpatuloy ng kanyang kabiyak na si Governor Czarina “Cherry” Umali.

Mula sa dalawamput syam under professionals category na nagsumite ng kanilang nominasyon ay labing siyam ang pumasok at nagqualify para sa phase 2 ng kompetisyon, habang sa student category out of 27 nominees ay labing pito ang nagqualify.

Ayon kay Billy Jay Guansing, Chairman ng Provincial Youth and Development Office, ang tatlumpu’t anim na mga nominado ay sinuri sa pamamagitan ng kanilang mga ipinasang nomination portfolio o ang kalipunan ng kanilang mga accomplishments at achievements.

Dagdag ni Guansing, mahigpit ang labanan ngayong taon dahil magagaling at tunay na maituturing na best Novo Ecijanos ang mga kalahok. Ito din aniya ang pangalawa sa may pinakamaraming nakapasok o nagqualify para sa phase 2 ng kompetisyon.

Ang criteria for judging, walumpong puntos para sa kabuuan ng kanilang portfolio na binubuo ng Service to Humanity na may 40 points, Leadership Excellence 20 points, Academic Excellence 20 points, habang 20 points naman sa interview.

Isa si Rowell Diaz, Instructor ng Nueva Ecija University of Science and Technology sa 36 nominees na sumalang sa interview, sa kabila ng dalawang beses niyang pagkabigo sa TOYNE ay muli itong sumubok ngayong taon dahil sa kanyang paniniwala na ang paglilingkod sa bayan ay hindi natatapos sa isang kompetisyon.

Magkahalong kaba at pananabik naman sa interview ang naramdaman ni Fhrizz De Jesus ng Bayan ng Talavera, upang mabigyan na aniya siya ng pagkakataon na mapatunayan na karapat-dapat siyang tanghaling The Outstanding Young Novo Ecijano.

Malalaman at kikillanin ang sampung The Outstanding Young Novo Ecijanos sa susunod na linggo at paparangalan sa August 31 ng taong kasalukuyan na makatatanggap ng Plaque of Recognition at cash prizes.— Ulat ni Jovelyn Astrero