
Ramdam na ng mga magsasaka sa bayan ng Talavera ang mababang presyo ng palay. Ayon sa kanila, epekto raw ito ng bagong batas na Rice Tariffication Law.
Panahon na ng anihan sa bayan Talavera, ngunit bakas sa mga mukha ng mga magsasaka roon ang hirap at kalungkutan dahil sa mababang presyo ng palay.

Isa na rito si Manuel Bartolome, isang magsasaka mula sa Barangay Paludpod ng nasabing bayan, dahil sa umano sa mababang presyo ng palay ay puro utang na lamang ang natitira sa kaniyang kinikita sa pagsasaka.

Aniya, nasa kinse pesos na lang ang kada kilo ng palay ngayon kung maramihan at P14 naman kapag isahan, kumpara sa P19 – P20 noong nakararaang anihan.
Ayon naman kay Anthony Del Rosario na may limang anak at labinlimang taon ng magsasaka, hindi na nila nararamdaman na giginhawa at gaganda pa ang kanilang pamumuhay dahil halos pangkain na lamang ang matitira sa kaniyang inaaning palay.
Sinabi din nito na baka hindi na siya makabayad ng buwis sa kaniyang lupang sinasaka dahil sa bagsak presyo ng palay.

Masama naman ang loob ni Nicolas MallariĀ dahil sa paluging presyo ng palay, aniya ang mga ginagamit sa bukid tulad ng pestisidyo at pataba ang dapat ibaba ang presyo.
Dagdag pa ni Mallari, sana ay mas binigyan ng pansin ng mga nagsulong at nag-apruba ng Rice Tariffication Law ang mga maliliit na magsasaka dahil para sa kaniya tanging ang mga mayayaman lamang ang makikinabang dito.

Iisa lang ang sigaw ng mga magsasaka sa bayan ng Talavera, ang itaas ang presyo ng palay at ibasura ang Rice Tariffication Law.
