Patuloy pa rin ang girian nina Elected Mayor Lucio Uera at Acting Mayor Ruben Huerta kahit pa dinaanan ng matinding bagyo ang Lalawigan ng Nueva Ecija, dahil pa rin sa agawan sa pwesto.

Araw ng lunes noong nakaraang linggo, habang si Mayor Uera ay nagtungo sa mga barangay na pangunahing nasalanta ng bagyong Lando, ay sya naman umanong pasok ni Vice Mayor Huerta sa munisipyo.

Ayon kay Mayor Uera, sinira ng kampo ni Huerta ang padlock ng mga pinto partikular ng kanyang opisina na nasa ikalawang palapag ng Munisipyo, binasag ang kanyang larawan, at may ilan sa kanyang mga personal na kagamitan ang umano’y nagsiwala.

Habang kinakapanayam ng News team ng Balitang Unang Sigaw si Mayor Uera, ay nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga supporters nina Mayor Uera at Vice Mayor Huerta nang pinasok ng kampo ni Huerta ang opisina ng Engineering at sapilitang kinuha ang computer na naglalaman ng record ng mga consumers ng PAMES o Pantabangan Municipal Electric System.

Pinanghahawakan ng kampo ni Uera ang anim na pahinang resolusyon mula sa Court of Appeals na may petsang October 13, 2015 sa pagkakabaliktad ng dismissal order na inihain ng Office of the Ombudsman laban sa kanya.

Habang muli namang iginiit  ni Vice Mayor Huerta, na siya na ang may karapatang umupo sa pwesto bilang Punong Bayan ng Pantabangan dahil sa inilabas na order ng DILG o Department of Interior and Local Government na kumikilala sa kanya bilang Mayor ng naturang bayan.

Samantala, anim na buwan ng nagtitiis ang mahigit sa dalawang daang kawani ng munisipyo na hindi pa nakakasweldo dahil sa patuloy na girian ng magkabilang panig.

Panawagan ng mga kawani, kabilang na ang itinalagang Municipal Accountant ni Huerta na si Rosita Yang, na huwag naman sana silang madamay sa usapin ng pulitika na nagiging dahilan ng hindi nila pagsweldo, dahil baon na aniya sila sa mga utang.

Habang sinusulat ang balitang ito, ay dalawa pa rin ang tumatayong Mayor ng Pantabangan, si Mayor Uera na pansamantalang umuukupa sa Human Resource Management Office, at si Huerta na nananatili sa Office of the Mayor.-Ulat ni Jerossa Dizon