Ibinida sa bayan ng Sto. Domingo ang organikong pataba at pestisidyo na naimbento ng Municipal Agriculturist na si Engineer Dante Sabacan.
May dalawang organikong pataba at pestisidyo na naimbento si Sabacan ito ang ACP o All Creatures Prohealth powder at Pagasa Foliar in liquid form.
Ang All Creatures Prohealth powder ay nakatutulong umano sa pananim na gulay at halaman para mapanatili ang nutrients nito at hindi masira ng kahit anong insekto o peste, gayundin kaya nitong pataasin ang kalidad ng lupa.
Ipinagmalaki ni Engineer Dante ang kanilang malusog at walang uod na Technological Demonstration field ng sibuyas na ginamitan nila ng ACP powder na hindi nakatikim ng kahit anong pestisidyo o kemikal na pangtanggal ng insekto.
Aniya, pwede rin itong ihalo sa pagkain ng mga hayop tulad ng manok, baboy, kambing at kalabaw upang palakasin ang immune system at maiwasan ang pagkamatay nito.
Dagdag pa nito, kaya ding lusawin ng All Creature Prohealth ang laman ng ating mga septik tank kung ito ay puno na.
Habang ang Pagasa Foliar in liquid form na hinahalo sa tubig at i-spray ay nagpapabilis ng paglaki ng isang halaman.
Samantala, ipinagmalaki din ni Engineer Sabacan ang kauna-unahang Agricultural Drone na darating sa Biyernes Febuary 1, 2019.
Ang Drone na ito ay kayang mag spray ng organikong pestisidyo sa loob lang ng labing limang minuto at kayang makadetek ng mga nasisirang pananim.
Sinabi din nito, na ang kaniyang organikong pataba at pestisidyo ay malapit ng lumabas sa merkado, sa ngayon ito ay nakapasa na sa Bureau of Animal Industry at iparerehistro rin sa FPA o Fertilizer and Pesticide Authority.