Mabigyan ng PhilHealth o Hospitalization Benefits ang mga Barangay Health Workers na edad 59 pababa, ang isa sa mga ninanais ng Provincial Federation of BHW-Nueva Ecija.
Sa panayam kay Provincial Federation President Esperanza Villa Ramos, hindi sapat ang dalawang libong pisong assistance na nagmumula sa kanilang pederasyon upang makapagpagamot ng maayos ang mga nagkakasakit nilang mga miyembro.
Ayon dito, may mangilan-ngilan pa ring BHW ang nakatatanggap lamang ng tatlong daang piso bilang honorarium mula sa kanilang mga barangay na quarterly natatanggap ng mga ito.
Dagdag nito, nakalilikom ng pondo ang kanilang samahan sa pamamagitan lamang ng kontribusyon mula sa mga miyembro, na kanilang ginagamit sa kanilang mga pagpupulong at iba pang aktibidades.
Ang pahayag na ito ni Ramos ay kasabay ng 3rd quarterly meeting ng mga BHW sa lalawigan na may temang “All for Health, towards Health for All”, kung saan naging Panauhing Pandangal si Governor Czarina “Cherry” Umali.
Sa talumpati ni Governor Umali, binigyang pagkilala nito ang malaking papel na ginagampanan ng mga BHW upang maibaba at maiparating sa mga mamamayan ang mga programa at proyektong pangkalusugan ng gobyerno.
Ibinahagi din ng Gobernadora ang pagsasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng isang malawakang kampanya na naglalayong mas mapalapit ang taong bayan sa mga programa at proyektong naaangkop sa kanilang mga pangangailangan.
Maliban pa dito ay binanggit din ng Gobernadora na nakalinya na ang iba pang mga proyektong pangkalusugan ng Provincial Government para sa mga Novo Ecijano tulad ng Dental Health, Ophthalmological Services o serbisyo para sa mga may problema sa mata, Nutrition, Maternal and Child Care at pagbibigay ng mga basic medicine sa mga pampublikong Ospital.
Bilang pasasalamat sa mga BHW na katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagbibigay ng serbisyo sa taong bayan ay nagkaloob ito ng 100,000 pesos, gift packs at payong mula kay Former Governor Aurelio Umali para sa mga tinatawag na Bayani Hanggang Wakas. – Ulat ni Jovelyn Astrero