Natagpuang nakabalandra ang mga bangkay ng tatlong lalaki sa gilid ng Montevista sa St. Purok syete ng barangay Padre Crisostomo, Cabanatuan City.
Base sa ulat ng pulisya, 6:00 ng umaga nang mamataan ng Bantay Bayan na si Jayson Pascual y Abarles, trenta’y tres anyos,residente ng barangay Barrera, ang mga patay na lalaking pinagbuhul-buhol gamit ang isang nylon na tali.

Parang mga basurang itinapon sa gilid ng kalsada sa Padre Crisostomo ang bangkay ng 3 lalaking pinagbuhul-buhol gamit ang isang nylon rope.
Bukod dito, nakagapos rin ang kanilang mga kamay at paa, nakapiring ang mga mata at may nakapatong na placard na may nakasulat na “Magnanakaw kami wag tularan”.
Sta. Rosa- patay ang isang diumano’y motornapper matapos itong magtangkang tumakas at manlaban sa mga otoridad nang masabat sa checkpoint sa kahabaan ng Vergara Hi-way, barangay Soledad.
Kinilala ang suspek na si Albert Sangalang y Rivera, 25anyos, may asawa, sub dealer ng Mentos, at residente ng Sitio Deepwell, barangay Sto. Rosario, Sta. Rosa.

Tinugis at pinagbabaril ng mga operatiba ng COMPAC sa barangay Luna, Sta. Rosa nang magtangkang tumakas at magpaputok ang diumano’y motornapper na si Albert Sangalang.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas onse bente ng umaga nang iulat na nawawala ang tricycle ni Dante Castro y Pascua, 47, ng barangay Del Pilar, Cabanatuan City na ipinarada sa tapat ng Pamilihang Bayan ng Sta. Rosa.
Dahil dito, kaagad na nagsagawa ng checkpoint ang Sta. Rosa Police Station kung saan namataan ang pagdaan ng hinahanap na tricycle. Pinahihinto umano ito ng mga pulis ngunit hindi sila pinansin ng driver nito kaya naman tinugis ito ng mga operatiba ng COMPAC sa barangay Luna.
Nang makitang hinahabol, umaktong bubunot ng armas ang suspek na nagtulak sa mga otoridad na paputukan ito hanggang sa mapatay. – Ulat ni Clariza de Guzman.