Nagtipun-tipon ang lahat ng mga hepe ng iba’t ibang tanggapan at lokal na pamahalaan sa buong lalawigan nitong nakaraang Lunes sa New Capitol, Palayan City.

Ito ay upang humarap at sagutin ang mga katanungan ng Department Of Interior And Local Government Regional Assessment Team bilang bahagi ng initial assessment nito para sa isinasagawang Seal Of Good Local Governance 2017 Assessment sa lalawigan.

Ayon kay Chief Lerrie Hernandez ng Montiroing And Evaluation Division ng DILG Region III, mas mahigpit ngayong taon ang pamantayan ng DILG sa pagsusuri para sa SGLG dahil sa mga nadagdag na indicators sa criteria.

Kabilang na dito ang pag-elevate sa Peace and Order bilang Core Area at ang pagkakadagdag ng Tourism, Culture and the Arts sa Essential Areas.

Sa nasabing “4+1” assessment criteria, kinakailangang maipasa ng LGU’s ang apat na Core Areas na kinabibilangan ng Good Financial Housekeeping, Disaster Preparedness, Social Protection at Peace and Order at maipasa ang alinman sa mga Essential Areas tulad ng Business Friendliness and Competitiveness, Tourism, Culture and the Arts at Environmental Management.

Naniniwala naman si DILG Nueva Ecija Provincial Director Rey Bernardino na makukuha  nang muli ng lalawigan ang Seal of Good Local Governance Award ngayong taon.

Samantala, pagkatapos sa kapitolyo ay umikot rin ang DILG Regional Assessment Team sa iba’t ibang sites sa lalawigan bilang bahagi pa rin ng pagsusuri. Kahapon naman nang umaga isinagawa ang presentasyon ng inisyal na resulta.

Sa mga susunod na araw ay inaasahan naman ang pagdating sa lalawigan ng National Validators Team para naman sa national validation and calibration of the data.

Buwan ng Setyembre, iaanunsyo ang mga passers habang sa Oktubre naman ang awarding. – Ulat ni Janine Reyes