Sumisikat ngayong destinasyon sa mga hikers, backpackers at mountaineers ang Mt. Sawi na tinaguriang bundok para sa mga pusong namimighati.

Unang nadiskubre ng Nueva Ecija Backpackers and Mountaineers Community Incorporated noong May 2016 ang Mt. Sawi na matatagpuan sa paanan ng kabundukan ng Sierra Madre sa barangay Malinao, bayan ng Gabaldon.

Simula noon, isang taon na ang nakalilipas ay dumami na ang umaakyat sa bundok dahil sa nakaka-intriga nitong pangalan, karamihan ay mga taga-Maynila na nais na makakawala kahit sandali sa ingay at polusyon ng lungsod.

Sa ituktok ng Mt. Sawi makikita ang pamosong patay na bundok.

Ayon sa kwento ng mga lokal, may isang katutubong Dumagat ang nagbigti sa puno ng Balite sa ituktok ng bundok matapos nitong mabigo sa pag-ibig nang iwanan ng isang binatang tagalog na nagpakasal sa ibang babae. Mula noon ay tinawag na itong Baliteng Sawi hanggang sa maging Mt. Sawi.

Para sa mga nais na masubukan ang kakaibang karanasang hatid ng Mt. Sawi, hinikayat na maglakbay ng umaga. Magsuot ng akmang kasuotan at sapatos sa pagpanik sa bundok. Huwag ding kalimutan ang sun block, tubig na inumin at pagkain.

Magtungo muna sa barangay hall ng Malinao upang magpaalam at magbayad ng Php30.00 bawat isa habang Php500.00 naman para sa guide.

May habang mahigit limang kilometro ang trail paakyat sa bundok na napapalibutan ng damong kugon. Sa kalagitnaan daan kapag naubusan ng baong inumin huwag mag-alala dahil may bukal na mapag-iigiban ng tubig. May inilaan ding palikuran para sa mga kababaihang tinatawag ng kalikasan.

Pagkatapos ng isa at kalahating oras, mararating na ang ituktok ng bundok kung saan makikita ang pamosong patay na puno na nagsilbi ng landmark sa Mt. Sawi. -Ulat ni Clariza de Guzman