Kung ikukumpara sa datos ng Nueva Ecija Police Provincial Office o NEPPO sa unang tatlong buwan ng taong 2016, makikita na tumaas ng anim na porsiyento ang bilang ng index crime sa lalawigan sa pareho ring panahon ngayong 2017.
Ayon sa kapulisan, umabot sa limandaan at labingsiyam ang index crimes sa lalawigan ngayong taon mula January 1 hanggang March 31 na mas mataas sa apatnaraan at walumpu’t walo noong nakaraang taon.
2, 407 naman ang naitalang bilang ng non-index crimes ngayong 2017 habang 2,309 naman noong 2016.
Paliwanag ni Provincial Director Police Chief Senior Superintendent Antonio Yarra, mas pinag-igting ng kapulisan ang kanilang pwersa laban sa kriminalidad kaya’t nadagdagan rin ang bilang ng kanilang mga naitalang krimen.
Base sa tala, pinakamalaki ang itinaas ng physical injuries mula sa isandaan at siyamnapu’t pito ngayong taon kumpara sa siyamnapu’t anim noong 2016.
Sa unang tatlong buwan ng taon, lumalabas rin na pinakamataas ang kaso ng physical injuries na may bilang na isandaan at dalawampu’t pito, isandaan at dalawampu’t lima ang naitalang kaso ng theft, isandaan at labindalawa naman ang robbery, animnapu’t dalawa ang kaso ng motornapping, limampu’t dalawa ang rape cases, tatlumpu’t walo naman ang murder habang tatlo naman ang homicide.
Pangunahing dahilan umano ng pagtaas ng kaso ng physical injuries ay ang problema sa trapiko.
Samantala, base rin sa datos ng kapulisan, ang Cabanatuan City, San Jose City at Talavera ang top 3 stations sa buong lalawigan na may pinakamaraming kasong naitala mula enero hanggang Marso ngayong taon.
Base naman sa 2017 monthly comparative statistics , pinakamarami ang naitalang krimen nitong Pebrero na may bilang na 182, 176 naman nitong nakaraang Marso habang pinakamababa naman noong Enero na may bilang na 162 crime incidents. – Ulat ni Janine Reyes