Mula sa pagrerenta sa isang lumang building ay lumipat na ang Bongabon Market Vendors Multi-Purpose Cooperative sa kanilang pinakabagong tanggapan.

LUMIPAT NA ANG BONGABON MARKET VENDORS MULTI-PURPOSE COOPERATIVE SA KANILANG BAGONG OPISINA SA BRGY. COMMERCIAL, BONGABON, NUEVA ECIJA.
Ang BMVMPC ay isang kooperatiba na naglalayong tulungan at maiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat miyembro nito na binubuo ng mga market vendors mula sa bayan ng Bongabon at mga karatig bayan tulad ng Rizal, Laur at Palayan City.
Nitong nakaraang Sabado, kasabay ng pagdiriwang ng kanilang ika-dalawampu’t apat na anibersaryo, ay ginanap ang inagurasyon at blessing ng naturang opisina.
Dumalo sa pagtitipon ang PCEDO o Provincial Cooperative and Enterprise Development Office, Provincial Cooperative Development Authority at si Bongabon Municipal Mayor Ricardo Padilla na nagbigay pa ng payo sa mga miyembro ng kooperatiba.
Kinwento naman ni CDA Provincial Specialist Ofelia Ciriaco ang istorya ng kooperatiba mula sa pagbagsak nito hanggang sa muli nitong pagbangon.
Samantala, ayon kay PCEDO Officer in Charge Elvira Ronquillo, ang Bongabon Market Vendors Multi-Purpose Cooperative ay isa umano sa mga pinakamatagumpay na kooperatiba sa lalawigan ngayon.
Isa rin umano ito sa mga tinitingnan ngayon ng PCEDO na maaaring maging distributor sa paparating na programa ng pamahalaang panlalawigan. – ULAT NI JANINE REYES.