Mas dumami pa ang mga dumarayo sa bayan ng Gabaldon magmula ng magkaroon ng Gulayan Festival na nasa ikaapat na taon na ngayong inilulunsad bilang bahagi ng selebrasyon ng Pista ni San Pablo Apostol.
Sinasalamin ng Gulayan Festival ang mayamang kultura at likas na yaman ng Gabaldon na ipinapakita sa pamamagitan ng parada ng mga float ng bawat barangay at pagsasayaw ng mga kabataan sa kalsada.
Bawat float ay inadornohan at may dekorasyon ng iba’t ibang klase ng gulay tulad ng talong, kamatis, sibuyas, at sigarilyas.
Gayundin ang mga dancer na naka-costume at may props ng mga produktong agrikultura ng Gabaldon na pangunahing ikanabubuhay ng mamamayan .
Ipinagmamalaki ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang bayan ng Gabaldon dahil sa natural nitong ganda dulot ng Inang Kalikasan na hinahangaan hindi lamang dito sa lalawigan at sa buong bansa kundi maging sa ibang panig ng mundo.
Nabuo umano ang Gulayan Festival bunga ng sama-sama samang pagsisikap at pagtutulungan ng local na pamahalaan, liga ng mga barangay, simbahan, Department of Education, at kapulisan katuwang ang Punong Lalawigan Aurelio Umali at Ina ng Lalawigan Congresswoman Cherry Umali.-Ulat ni Clariza De Guzman