Isa na umanong drug-free ang Bayan ng Pantabangan dahil isang daang porsyento ng mga drug pushers at users ay sumuko na, ito ay ayon kay Police Senior Inspector Melchor Pereja ng Pantabangan Police Station.

Maituturing na umanong drug-free ang bayan ng Pantabangan. Ito ang ipinagmalaki ni Police Senior Inspector Melchor Pereja dahil lahat aniya ng pushers sa kanilang lugar ay sumuko na at ang mga drug users ay sumasailalim na sa reformatory process.

Base sa monitoring ng kapulisan sa tulong ng MADAC o Municipal Anti-Drugs Abuse Council at BADAC o Barangay Anti-Drugs Abuse Council, naitala ang 426 na mga sumukong drug users at pushers sa naturang bayan, 40 dito ay mga pushers, habang 386 naman ay users na sumasailalim na sa reformatory process sa Bahay Pagbabago.

Ang pahayag na ito ni Pereja ay kaalinsabay ng paglulunsad ng USAD o United Stand Against Dangerous Drugs sa Bayan ng Pantabangan, na pinangunahan ng Nueva Ecija Police Provincial Office at ng Pamahalaang Panlalawigan.

Pinuri ni Mayor Roberto Agdipa ang proyektong USAD dahil sa layunin nitong maging drug free ang buong probinsya.

Malaking tulong umano ang proyektong USAD sa bayan ng Pantabangan upang mapanatili itong drug-free, ayon kay Mayor Roberto Agdipa.

Sa kabila ng maituturing nang drug free ang Bayan ng Pantabangan ay malaki pa rin aniya ang magiging partisipasyon ng proyektong ito upang masiguro na tuluyan ng talikuran ng mga surrenderees ang iligal na droga.

Samantala, kasunod ng Bayan ng Pantabangan ay ibinaba na rin sa Bayan ng Llanera ang USAD na dinaluhan ng iba’t ibang sektor.

Sa panayam kay Police Senior Inspector Jonathan Romero, Chief of Police ng Llanera Police Station, nakapagtala sila ng 439 surrenderees sa kanilang lugar, kung saan base aniya sa klasipikasyon ay puro users ang mga ito.

Hindi man nito inaasahan na tataas o dadami pa ang mga sumusukong users ay naniniwala ito na malaki ang magiging partisipasyon ng komunidad upang labanan ang ipinagbabawal na gamot sa pamamagitan ng USAD project ng kapulisan.

Ang proyektong USAD ay ang itinuturing na makataong pamamaraan ng kapulisan upang puksain ang iligal na droga sa probinsya. –Ulat ni Jovelyn Astrero