Mula sa matagumpay na Campaign Plan “Kaugnay sa Bayanihan” noong nakaraang taon, ngayong taon ay sesentro naman sa Campaign Plan “Kaugnay sa Kapayapaan” ang 7th Infantry (Kaugnay) Division, Philippine Army.

Sa talumpati ni Major General Angelito De Leon, 7ID Commander, sa selebrasyon ng ika-29 pagkakatatag ng dibisyon ay buong pagmamalaki nitong iniulat ang kanilang mga napagtagumpayan sa nakalipas na isang taon.

Ayon kay MGen De Leon, upang tiyakin ang seguridad at kapayapaan sa mahigit labing anim na milyong katao mula sa Region 1, 3 at pitong munisipalidad sa Region 2 ay sumalang sa matinding pagsasanay ang mga Candidate Soldiers upang sila ay mapagtibay at maging handa bilang mga ganap na sundalo.

Mula buwan ng Agosto noong nakaraang taon, ang Kaugnay Division ay nakapagpatapos ng 317 Candidates Soldiers at mayroon pang 484 Candidate Soldiers ang kasalukuyang nagsasanay na inaasahang magtatapos sa buwan ng Setyembre ng taong kasalukuyan.

Mula sa epektibong mga operasyon ng kasundaluhan, dalawamput siyam na mga rebelde ang boluntaryong sumuko na nakapag-avail ng Comprehensive Local Integration Program, kung saan binibigyan sila ng Gobyerno ng livelihood training at Kapital upang makapagsimulang muli sa buhay.

Naging kabahagi din at naging katuwang ng Philippine National Police ang 7th Infantry (Kaugnay) Division upang sugpuin ang iligal na droga na nagiging sanhi ng malaking bahagi ng mga krimen sa bansa.

Ilan lamang ang mga ito sa operasyon ng dibisyon na nakapag-angat sa trust rating para sa Armed Forces of the Philippines mula sa mga Pilipino.

Sinabi ni MGen De Leon na hindi maisasakatuparan ang lahat ng mga ito kung wala ang partisipasyon ng mga kasundaluhan, Civilian Employees at Stakeholders na nagpakita ng higit sa inaaasahang lebel ng paglilingkod.

Bunsod nito ay binigyan ng pagkilala at parangal ang dalawampu’t dalawang mga natatanging kawani at sundalo ng 7th Infantry (Kaugnay) Division-Philippine Army.

Samantala, naging Panauhing Pandangal at Tagapagsalita naman sa naturang selebrasyon si Pampanga Board Member Rosve Henson bilang kinatawan ni Pampanga Governor Lilia Pineda.— Ulat ni Jovelyn Astrero