Aksidenteng bumangga sa Mobile Patrol ng Dingalan Municipal Police Station ang isang motorsiklo sa kahabaan ng Pantabangan-Baler Road, barangay Ganduz, bayan ng Pantabangan.

Malubhang nasugatan ang driver ng kulay black Motorposh Pinoy 155 na walang plate number na si Narciso Torne y Aglipa, singkwenta’y nueve anyos, may asawa at residente ng Sitio Bagong Silang, barangay Cambitala, Pantabangan.

Habang minamaneho naman ni PO2 Daryl John Aurelio y Balondo, bente otso, may asawa at naninirahan sa bayan ng San Antonio ang Mobile na isang kulay puting Mahindra Enforcer.

Binibigyan ng pang-unang lunas ang driver ng motorsiklong bumangga sa mobile patrol ng Dingalan MPS. Photo Courtesy of MDRRMO Rizal

Base sa ulat ng Pantabangan Police Station, bandang alas kwatro kinse ng hapon noong September 25, 2017 binabagtas ng Mobile Patrol ang pakurbang kalsada patungong Cabanatuan City nang sumalubong ang pagewang-gewang na motorsiklo na nawala na sa linya at sumalpok sa sasakyan ng mga pulis.

Nagtamo ng sugat sa ulo at iba’ibang bahagi ng katawan si Torne na itinakbo sa Rafael Helath Clinic sa bayan ng Rizal para sa pang-unang lunas.

Napinsala naman ang harapan ng Mobile Patrol kabilang ang windshield at gilid nito gayundin ang motorsiklo.

Samantala- Arestado ang isang driver makaraang mag-amok at nagbantang papatayin ang security guard ng NE Mall sa Melencio Street, barangay Melojavilla, Cabanatuan City.

Kinilala ang suspek na si Ponciano Berdin y Socito, trenta’y dos anyos, may asawa, residente ng Dulong Dike, barangay San Miguel, Calumpit, Bulacan.

Ang harap ng NE mall sa Cabanatuan City kung saan nag-amok ang isang driver ng truck.

Ayon kay Walter Glen Broqueza y Curesma, bente tres, binata, gwardiya ng mall, dakong alas dose dyes ng tanghali noong September 25, 2017 nang mag-iskandalo ang suspek at naglabas ng mahabang baril na natuklasang peke.

Una rito, kinausap umano ni Broqueza si Berdin upang ayusin ang pagkaka-park ng minamaneho nitong truck sa gilid ng NE mall.

Ngunit pagbalik ng suspek ay nagbanta na itong papatayin ang gwardiya dala ang pekeng M16 rifle na baril. Dinala ni PO1 Moises Matias, traffic officer ang suspek sa Cabanatuan Police Station.- ulat ni Clariza de Guzman