Kapiling na ng kani-kanilang pamilya sina Karen Rodriguez, Cristina Darang, Chervelyn Salac, Alejandra Cabulit, Imelda Ramos, Daisy Tacadino, Marilyn Fernandez, Shirley Aguilar at Maricel Poquiz, matapos na matulungang makauwi ng Malasakit Overseas Filipino Workers Help Desk ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija.

Ayon kay Cynthia Sandoval, Legal Officer ng Malasakit help desk, ang siyam ay mga nagsilbing domestic helper sa Middle East na nakaranas ng pagmamaltrato at paglabag ng kanilang mga naging employer sa napagkasunduan sa kontrata.

Mag-dadalawang buwan na buhat ng makabalik sa bansa si Imelda ng barangay San Vicente, bayan ng Laur. February 14, 2018 nang humingi ng tulong ang asawa nitong si Bryan Ramos sa Malasakit OFW dahil nagkasakit na siya dahil umano sa sobrang pagtatrabaho, kulang sa tulog at hindi pinapakain.

Si Imelda Manzano-Ramos masaya nang kapiling ang kanyang pamilya sa San Vicente, Laur.

March 6, 2018 nang payagan nang makaalis ng kanyang employer si Imelda pagkaraang makipag-ugnayan ng help desk sa OWWA o Overseas Workers Welfare Administration at iba pang mga ahensya ng gobyerno.

Sinampahan na rin ng kaso ang naging amo nito at nabigyan na rin siya ng medical and financial assistance ng pamahalaang panlalawigan. Sa kasalukuyan ay hinihintay na niya ang Php20,000.00 na cash mula sa Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program ng OWWA.

Ang Malasakit OFW ay itinatag noong February 2017 sa atas ni Governor Czarina “Cherry” Umali dahil sa dumaraming kaso ng pagmamaltrato at pandarahas sa mga Novo Ecijanong naghahanapbuhay sa ibayong dagat.- ulat ni Clariza de Guzman