Nakapagtala ng limang kaso ng vehicular accident nitong nakaraang undas ang Nueva Ecija Police Provincial Office.

   Sa report ng NEPPO, lumalabas na puro mga motorsiklo ang sangkot sa mga kaso ng aksidente sa kalsada.

   Isa sa Mayapyap Sur, Cabanatuan City kung saan bumangga ang Kawasaki Bajaj motorcycle na pag-aari ni Juanito del Valle sa Hi-Ace Van na dinadrive ni Marthy Manliclic. Habang sa barangay San Pedro, General Tinio, nagsalpukan naman ang Honda XRM 125 ni Ronaldo Villluz at Suzuki X120 na minamaneho ni Ricarlo Pangilinan.

   Sa parehong aksidente, nasugatan ang mga biktima na isinugod sa PJGMRMC Hospital sa Cabanatuan.

   Nabundol naman ng Honda Wave na dinadrive ni Aljon Docdoc ang likuran ng sinusundang Suzuki Ertiga na minamaneho ni Francis Edwin Reyes sa kahabaan ng Maharlika Hi-way sa Diversion, bayan ng San Leonardo. Parehas na napinsala ang mga dalawang sasakyan.

   Napag-alaman namang lasing ang driver ng MIO Sporty na si Kevin Pitpit, bente uno anyos, na bumangga sa isang pampasaherong tricycle sa Maturanoc, Guimba.

   Samantala, sa Poblacio South bayan ng Lupao, sumalpok naman ang dinadrive na Rusi motorcycle ni Oliver Cristobal sa Mitsubishi Montero na minamaneho ni Jonard Cachero.- ulat ni Clariza de Guzman