Matapos pagtibayin sa Ika-Tatlumpu’t Siyam na Regular Session ang kontrata ng Tatlumpu’t Walong Medical Consultant sa anim na buwan nitong serbisyo sa City Government ay dismayado si Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali sa pamamaraan ng pagdinig nito.

Sa hinaing ng Bise Alkalde, kung hindi pa dumayo ang mga miyembro ng Committee on Good Government, Public Ethics and Accountability at mga kawani ng Sanggunian sa magkakahiwalay na pagdinig ay hindi pa matutuloy ang Committee Hearing ng Apat Na Pu’t Limang Kasangguni.

Nakasaad din sa Committee Report, na Tatlumpu’t Walo lamang ang dumalo, habang ang natitirang pitong kasangguni ay hindi pa rin nakapunta sa mga itinakdang lugar at panahon.

Sa paliwanag ni Kon. Fanny Posada, Vice-Chairman ng Komite na hindi nakadalo ang ilang Consultant dahil abala sa kanilang mga trabaho habang ang isang Consultant naman ay kasalukuyang nasa ibang bansa.

Aniya, tila binabalewala ng mga Medical Consultant ang kapangyarihan na mayroon ang Sanggunian.

Hirit pa niya, matagal na sana itong napagtibay kung pinaglaanan lamang ng panahon ng mga doktor ang mga itinakdang pagdinig ng Komite.

Paglilinaw pa ng Bise Alkalde, hindi siya hadlang sa pag-apruba ng naturang kontrata na di umano ay ipinapalabas ni Mayor Jay Vergara.

Aniya, nais lamang niya na idaan sa tamang proseso ang pagratipika nito.

Matatandaan kasi na ilang beses ng naipagpaliban ang mga pagdinig at napagtalunan sa mga Session ang hindi pagdalo ng mga Medical Consultant.

Samantala, dahil sa naturang usapin ay dumadalas na naman ang mga pasaring at pang bu-bully ng Punong Lungsod sa Pangalawang Punong Lungsod na di umano ay tinatawag siyang “Fake Doctor.”

Ayon kay VM Umali, hinalal sila ng taong bayan para maglingkod hindi para pumatol sa mga paninira ng karibal sa politika.

Mensahe ng Bise Alkalde, sana maging metikuloso din ang taong bayan sa pagpili ng kanilang mga hinahalal. –Ulat ni Danira Gabriel

https://youtu.be/piuwLfjw9J0