Kinokontra ng MASIPAG at iba pang progresibong grupo ang open field testing ng mga halamang GMO particular ang Golden Rice dahil sa posibleng kontaminasyon na idudulot nito sa ating mga likas na yaman.

Ang GMO ay ang pagbabago ng gene ng isang organismo gaya ng halaman sa pamamagitan ng genetic engineering.

Paliwanag ni MASIPAG Luzon Regional Coordinator Cris Panerio, dapat na sa mga laboratoryo muna gawin ang anumang eksperimento tungkol sa mga GMO at gumamit ng test animals dahil ang kontaminasyon ay forever at irreversible.

Kabalintunaan umano na dito pa sa Pilipinas pinag-aaralan at pinapalaganap ang Golden Rice na sinasabing solusyon sa problema sa Vitamin A deficiency samantalang sagana tayo sa mga gulay at prutas na pinagkukunan nito.

Iginigiit ng samahan na delikado ang Golden Rice dahil ang sobrang pagkonsumo nito ay nakalalason.

Naniniwala ang MASIPAG na balance diet o ang pagkain ng mabeberde at madidilaw na prutas at gulay pa rin ang pinaka mainam na paraan para malunasan ang kakulangan sa Bitamina A.- Ulat ni Clariza De Guzman