Binuksan ng Commission on Elections-Nueva Ecija ang imbestigasyon sa siyam na Kapitan ng barangay ng Lungsod ng Cabanatuan na nahaharap sa reklamong pangangampanya sa re-electionist Mayor at mga ka-tiket nito noong May Local Elections.
Ang magkahiwalay na reklamo ay isinampa sa COMELEC ni Kapitan Ramon Garcia ng Brgy. Barlis bilang Chairman ng Unang Sigaw Partido ng Pagbabago-Cabanatuan Chapter at Cabanatuan City Vice Mayor Doc. Anthony Umali.
Kinasuhan ni Vice Mayor Umali sina ABC President Sergio Tadeo ng Brgy. San Isidro, Kapitan Joey Tucay ng Brgy. Calawagan, Kapitan Cenon Sagun Jr. ng Brgy. Sangitan Este, at Kapitana Jocelyn Sarmiento ng Brgy. Imelda, habang kinasuhan naman ni Kapitan Garcia sina Kapitan Eduardo Puyat ng Brgy. Cruz Roja, Kapitan Pablito Santiago ng Brgy. Kalikid Sur, Kapitan Antonio Carlos ng Brgy. Lagare, Kapitan Christopher Lee ng Brgy. Pagas, at Kapitana Mirasol Capinpin ng Brgy. Mabini Extension.

Iniimbestigahan ng Provincial COMELEC ang siyam na Barangay Captains ng Lungsod ng Cabanatuan dahil sa reklamong pangangampanya o pag-eendorso sa mga kandidato ng isang partido noong nakaraang May Local Elections.
Nakasaad sa Section 2 number 4 ng Article IX-B ng 1987 Philippine Constitution na ang mga Government Officials at Employees ay bawal mag-endorso o maging kabahagi ng anumang pulitikal na aktibidad tulad ng pangangampanya.
Ginanap kamakailan sa Conference Room ng opisina ng COMELEC-Nueva Ecija ang preliminary hearing sa election offenses laban sa siyam na Kapitan, kung saan isinumite nina Vice Mayor Umali at Kapitan Garcia ang kopya ng mga video recordings na nasa compact disks o CD.
Ang mga CD na ito ay naglalaman ng mga footage nang sinasabing pag-eendorso ng mga nahablang kapitan na nakunan sa magkakahiwalay na kampanyahan.
Nakatakda namang ganapin sa November 7, araw ng lunes, ang second hearing ng naturang kaso. –Ulat ni Jovelyn Astrero