Muling inuwi ng Local Government Unit (LGU) Talavera ang titulo bilang Pinakamaringal na Pamilihang bayan sa buong lalawigan, sa ginanap na Consumer Welfare Month ng Department of Trade and Industry (DTI) Nueva Ecija.

Mayor Nerivi Santos-Martinez habang tinatanggap ang award ng DTI-NE bilang Pinakamaringal na Pamilihan sa Lalawigan.
Ito na ang ikatlong sunod-sunod na taon na itinanghal ang Talavera bilang pinakamaayos at pinakamalinis na Pamilihang Bayan.
Ayon kay Mayor Nerivi Santos-Martinez, magsisilbi itong inspirasyon upang lalo pa nilang pagbutihan ang pagpapatupad ng kaayusan, kalinisan at pagbibigay proteksiyon sa kanilang mga mamimili.
Nanguna ang Talavera na nagkamit ng 100% score, pinangalawahan ng San Antonio na may 99%, pangatlo ang bayan ng Bongabon sa 98%, pang-apat ang San Jose City sa 97% at pang lima ang Science City of Muñoz sa 96%.

Savemore-Talavera Branch, ginawaran bilang isa sa Bagwis Gold Awardee.
Back-to-back ang nakamit na parangal ng bayan ng Talavera, dahil bukod sa Pinakamaringal na Pamilihan ay nakatanggap din ng Bagwis Gold Award ang Savemore Talavera-Branch. Kasabay nito ang Savemore Cabiao-Branch.
Dinaluhan naman ng labing anim na kalahok mula sa iba’t-ibang pampubliko at pribadong eskwelahan ang Poster Making Contest ng DTI na nilakipan ng temang “Consumer Protection: a shared responsibilty.”

Ang Top 3 sa Poster Making Contest ng DTI-NE.
Sa huli, ang nanalo sa ikatlong pwesto ay ang likha ng AU-Phinma University. 2nd place naman ang Nueva Ecija University of Science and Technology(NEUST). At ang pinaka nangibabaw sa disenyo at konsepto ay ang gawa ni DJ Bernardo ng Talavera National High School.

9 na kalahok sa Ginang Palengke 2016.
Kasabay ng selebrasyon, ay iprinisinta ng DTI ang mga kandidata ng kauna-unahang Ginang Palengke 2016.
Ayon kay Brigida Pili Provincial Director ng DTI-NE, ito ay isa nilang paraan upang bigyang ng kamalayan ang mga kunsumidores sa kanilang karapatan.
Ang Coronation Day ng Ginang Palengke ay gaganapin sa February 15, 2017 sa Cabanatuan City. -Ulat ni Danira Gabriel