Sa botong 9/1, inaprubahan na sa Ika-labing limang Regular Session ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ang ordinansa na nagbibigay karapatan sa MV Lo trading and trade organizer na magtayo ng flea market o baratilyo sa harap ng palengke ng naturang lungsod.

   Pinukpukan ang nasabing ordinansa, sa botong siyam na yes at isang no. Ang nag-i-isang bumoto ng no ay si Kon. Nero Mercado.

   Tatlong puntos ang kaniyang binigyang diin kung bakit siya tumutol sa baratilyo.

   Una, hindi nasagot ang mga katanungan na ibinato niya sa committee hearing at hindi nakalagay sa committee report ang panig ng mga nagreklamo noong Public Hearing. Kagaya na lamang nang suhestiyon ng Cabanatuan City PNP na imbes na sa Paco Roman at Burgos St. ipwesto ang baratilyo ay ilipat na lang umano ito sa Sanciangco at Melencio St.

   Pangalawa, gusto niyang bigyang linaw ang kasagutan kung magkano ang singil ng City Government sa MV Lo at magkano ang sinisingil ng MV Lo sa mga tindera o tinatawag na “players”?

   Pangatlo, ang Special Permit na iniisyu sa MV Lo, ay wala umanong ordinansa mula sa Sangguniang Panlungsod.

   Ayon kay Kon. Mercado, hindi siya kontra sa baratilyo, kundi gusto lang aniya na mailagay ang baratilyo sa ayos at tamang lugar.

   Habang ang siyam na pabor ay sina Kon. Emmanuel Liwag, Kon. Ruben Ilagan, Kon. Mario Seeping, Kon. EJ Joson, Kon. Pb Garcia, Kon. Froilan Valino, Kon. Epifanio Posada, Kon. Rosendo Del Rosario Jr at ABC President Sergio Tadeo.

   Sa pahayag ni Vice Mayor Doc Anthony Umali, sinabi nito na susundin pa din niya ang napagkaisahan ng nakararami. Bagaman tutol siya sa pagtatayo ng baratilyo sa palengke, dahil isinasaad sa Article 424 ng Civil Code na ang mga pampublikong lugar katulad ng daan o kalye ay dapat ipagamit sa publiko at hindi iparenta sa mga pribadong kumpanya o indibidwal.

   Matatandaan na nagkaroon ng Public Hearing, bunsod ng paggiit ni Kon. Nero Mercado na pakinggan ang panig ng mga sektor na maapektuhan nito.

   Kaugnay ng inihain na ordinansa ni City Mayor Jay Vergara na bigyan ng karapatan ang MV Lo trading and trade organizer na magtayo ng baratilyo mula October 10, 2016 – January 15, 2017 na ipwepwesto sa Paco Roman at Burgos St., Cabanatuan City. -Ulat ni Danira Gabriel

https://youtu.be/ZjsjqM_i8zo