Iniulat ng mga lokal na namumuno sa Barangay Aduas Centro, Cabanatuan City ang kanilang mga nagawang programa at proyekto sa loob ng isang daang araw na paglilingkod mula ng maupo sa pwesto nitong buwan ng Hulyo sa ginanap na Barangay Assembly noong linggo, October 14, 2018.
Ang tema ng Barangay Assembly ay ang “Nagkakaisang komunidad tungo sa Mapayapa, Maunlad at Matiwasay na barangay! Makialam! Makilahok! At makiisa!”.
Inilatag dito ang iba’t-ibang mga programa at proyekto na may kaugnayan sa peace and order, education, social services, gender and development, clean and green at health.
Ayon kay Brgy Captain Gilbert Fernandez, sa loob ng isang daang araw ay nakapagdaos na sila ng mga programa at proyekto na lubos na napapakinabangan ng mga mamamayan.
Kagaya na lamang ng clean and green program, street fogging, at marami pang iba.
Idagdag pa ang ilang proyekto na katuwang ang ibang ahensiya ng gobyerno, kagaya na lamang ng pagkakaroon ng drainage na ibinigay ng Butil Partylist at pagsasagawa ng Medical Mission at Service Caravan katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan na halos isang libong residente ng barangay ang nabenipisyuhan.
Sa pahayag pa ng Punong Barangay, nais din nilang madagdagan ang kanilang CCTV units at maglunsad ng “Aduas Centro Alerto Hotline” para sa mas mabilis na pagresponde sa mga residenteng nangangailangan ng tulong.
Ang Barangay Assembly ay sabay-sabay na isinagawa sa buong bansa alinsunod sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng Section 61 ng Republic Act No. 7160 na dapat isagawa dalawang beses kada taon bilang “Semestral Report” sa mga naging aktibidad, gastusin, at suliranin ng barangay. –Ulat ni Danira Gabriel