Lubos na nagdadalamhati ang mga mamamayan ng Jaen dahil sa pagpanaw ng haligi ng kanilang bayan na si Vice Mayor Santy Austria.

Bumuhos ang mga nakikiramay at nakikisimpatiya sa tahanan ng pamilya Austria sa San Josef Navao, Jaen kung saan ibinurol si Vice Mayor Santy Austria.
Para sa mga taga-Jaen, ang pagkamatay ni Mayor Austria ay kahalintulad ng pagkawala ng isang ama, kapatid, at magulang dahil sa paglilingkod na ibinigay at pagmamahal na ipinadama nito sa kanila.
Patuloy na dumadagsa ang mga nakikiramay at nakikisimpatiyang kaanak, kaibigan, mga empleyado at opisyal ng lokal na pamahalaan sa tahanan ng pamilya Austria sa San Josef Navao kung saan ito nakaburol.
Si Vice Mayor Santy ay sumakabilang buhay noong September 20, 2016 alas nueve trenta’y dos ng umaga sa edad na singkwenta’y dos dahil sa stroke sanhi ng aneurysm o pagputok ng ugat nito sa ulo.
Ayon kay Mayor Sylvia Austria, sa kabila ng may hypertension o high blood pressure ang kaniyang kabiyak ay puspusan pa rin ang pagtatrabaho nito bilang bise alkalde. Buong isang linggo aniya silang abala sa feeding program, pagdalo sa mga kasal, at pagdalaw sa mga patay, bago ito nai-stroke noong September 12, 2016.

Si Mayor Sylvia Austria ng bayan ng Jaen sa panayam ng Balitang Unang Sigaw sa pagpanaw ng kaniyang kabiyak na si Vice Mayor Santy Austria dahil sa stroke sanhi ng aneurysm.
Isinugod umano ito sa Gonzalez General Hospital sa bayan ng San Leonardo para sa pang-unang lunas, at inilipat sa University of Sto. Tomas Hospital kung saan ito nalagutan ng hininga.
Bagama’t napaka sakit, buong tapang at matatag na tinanggap ni Mayora Sylvia ang paglisan ng kaniyang kabiyak at pagpapatuloy sa iniwanan nitong responsibilidad sa kanilang mga kababayan.
Naluklok at naglingkod muna si Austria bilang isang kagawad ng barangay, konsehal ng bayan, hanggang sa naging bise alkalde, at alkalde bago ito bumalik na Vice Mayor ng Jaen.- ulat Clariza de Guzman