Simple ang naging pagsalubong sa Chinese New Year ng mga kapatid nating Tsino na ginanap sa Ling Hong Temple sa lungsod ng Cabanatuan.
Pinangunahan ito ni Cabanatuan City Ling Hong Temple President Faustino Uy at fomer President William Kan Chu Lim.
Anila, hindi na nila ginawang magarbo ang selebrasyon ng pagsalubong ng Chinese New Year ngayong taon, walang masyadong firewoks at wala na rin ang tradisyunal na dragon dance bagkus ibinuhos na lamang nila ito sa kanilang munting salu-salo.
Sa kabila ng pagiging payak ng kanilang selebrasyon, hindi pa rin nawala ang mga hugis bilog sa kanilang hapag kainan lalo na ang mga pagkaing alay kay Budha dahil para sa mga Tsino ay sumisimbolo ito ng walang hanggang biyaya.
Bukod sa pag-aalay ng mga pagkain, nagbibigay galang rin sila sa pamamagitan ng pagdarasal kay budha bilang pasasalamat sa panibagong taon at sa mga biyayang natatanggap nila sa araw-araw.
Pagmamalaki pa ni Pres. Uy, simple man daw ang kanilang selebrasyon sagana naman sila sa mga paniniwala hindi lamang tuwing Chinese New Year ngunit maging sa kanilang pang araw-araw na buhay bilang isang Chinese na isinasalin rin nila sa mga bagong henerasyon ng kanilang lahi.
Samantala, ang samahan ng Lin Hong Temple sa lungsod Cabanatuan ay nagsimula pa noong taong 1976. Una itong pinamunuan ni Mr. William Kan Chu Lim na tatlong dekadang naging Presidente ng samahan.
Ang Chinese New Year ang pinakamahalagang kapistahan sa kalendaryo ng mga taga-Asya. Nagsisimula ang kapistahan sa unang bagong buwan sa kalendaryong lunar ng mga Tsino, o sa pagitan ng Enero 21 at Pebrero 20 sa kalendaryo sa Kanluran. Tumatagal ito nang ilang araw hanggang dalawang linggo.- Ulat ni Mary Joy Perez
[youtube=http://youtu.be/7pLGPsGIsj4]