Inalam ni Governor Czarina “Cherry” Umali ang mga suliranin ng bawat District Hospitals at iba pang pampublikong pagamutan sa Lalawigan ng Nueva Ecija upang mabigyan ng agarang katugunan para sa maganda at tuloy-tuloy na pagbibigay ng serbisyo sa mga Novo Ecijano.

   Sa pagpupulong ay inihayag ni Governor Cherry ang kanyang pagnanais na magpatuloy ang Seal of Local Good Governance na natamo ng Lalawigan sa pamumuno pa noon ng kanyang asawang si Former Governor Aurelio Umali.

Ipinatawag ni Governor Cherry Umali ang mga namumuno sa mga District Hospitals sa lalawigan ng Nueva Ecija upang dinggin ang mga suliranin na dapat bigyan ng katugunan, kasama nito sina Provincial Treasurer Rosario Rivera, Provincial Accountant Cristina Roxas at Provincial Administrator Alejandro Abesamis.

Ipinatawag ni Governor Cherry Umali ang mga namumuno sa mga District Hospitals sa lalawigan ng Nueva Ecija upang dinggin ang mga suliranin na dapat bigyan ng katugunan, kasama nito sina Provincial Treasurer Rosario Rivera, Provincial Accountant Cristina Roxas at Provincial Administrator Alejandro Abesamis.

   Ayon sa Gobernadora, iniisa-isa nitong pulungin ang bawat departamento ng Pamahalaang Panlalawigan upang alamin at bigyan katugunan ang mga suliranin ng bawat isa.

   Kabilang sa nais na maayos ni Governor Cherry ay ang pagkakaroon ng mga staled checks o mga lipas na cheke ng mga Philhealth beneficiaries sa mga ospital na nagiging problema sa Accounting at Treasurer’s Office.

   Iminungkahi din ng Ina ng Lalawigan ang pagkakaroon ng mga petty cash ng bawat pagamutan na magagamit sa mga emergency purchases.

   Ayon kay Doc. Benjie Lopez, Head ng Provincial Health Office, makatutulong ang petty cash para sa dagliang pagtugon ng mga pagamutan sa probinsya sa pangangailangan ng mga pasyente.

   Kabilang din sa mga inihayag na mga suliranin ng mga pagamutan ay ang kakulangan sa mga kagamitan at gamot, pagsasaayos ng mga pasilidad tulad ng mga banyo at kusina ng Hospital, at iba pa.

   Upang matukoy na mabuti ang lahat ng mga pangangailangan ng mga pagamutan ay nangako si Gov. Cherry na iisa-isahing pupuntahan ang mga pagamutang ito upang alamin ang mga kakulangan at iba pang problema. -Ulat ni Jovelyn Astrero