Ilang insidente umano nang vote buying o bilihan ng boto at harassment ang nakaabot sa kaalaman ni Vice Mayor Anthony Umali sa ilang lugar sa lungsod ng Cabanatuan nitong nagdaang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon sa Bise Alkalde, ang ganitong mga insidente ay sumasalamin sa kahirapang dinaranas ng mga Cabanatueño.
Nakakalungkot aniyang isipin na sa konting halaga ay pinagbibili ng ilang mamamayan ang kanilang prinsipyo na sinasamantala naman ng ilang kandidato.
Ito aniya ang matagal na niyang sinasabi na mga programa na direktang tutulong sa “tao” ang unahin bago ang pagpapatayo ng mga malalaking proyektong pang-imprastraktura dahil ang kahirapan na nararanasan sa lungsod ay hindi umano nagagamot at tila tinatapalan lamang ng mga palamuting proyekto.
Dagdag pa ni Umali, nakikita niya na isa itong paraan ng ilang namumuno upang kontrolin ang mga maliliit na Cabanatueño upang sumunod sa kanilang gusto.
Payo ng Bise Alkalde sa mga mauupong opisyal ng Barangay at SK na isantabi ang pulitika bagkus ay magkaisa at tulungan na i-angat ang buhay ng bawat pamilya. – Ulat ni Danira Gabriel