Naglahad ng mga patakaran ang Pamahalaang Bayan ng Jaen para sa mga drug dependent o users na kusang loob na sumusuko, na kinakailangan nilang sundin upang mapatunayan na sila nga ay nagsisisi na sa mga maling karanasan sa buhay.

     Sa mga boluntaryong magpaparehab ay may tulong pinansyal na halagang P10, 000 na pang deposito, panibagong P10, 000 para sa susunod na buwan at P30, 000 sa huling mga araw sa Rehabilitation Center, kung saan sasagutin naman ng pamilya ang kakulangan dito.

    Para naman sa ayaw magparehab o kaya pang magpigil na huwag gumamit ng iligal na gamot ay dapat na sumunod sa ilang mga alituntunin.

Mga drug dependent o users sa Bayan ng Jaen na kusang loob na sumuko at nangakong tuluyan ng tatalikuran ang masamang gawain.

Mga drug dependent o users sa Bayan ng Jaen na kusang loob na sumuko at nangakong tuluyan ng tatalikuran ang masamang gawain.

     Tuwing araw ng biyernes, ganap na ala una ng hapon ay dapat na dumalo ang mga ito sa isang seminar kung saan tatalakayin ang masamang naidudulot ng droga sa buhay at kalusugan ng tao, na pangungunahan ng kapulisan, Department of Social Welfare and Development at Rural Health Units, sa superbisyon nina Mayora Sylvia Austria at Vice Mayor Santy Austria.

    Ikalawa, tuwing araw ng linggo ay dapat silang magsimba kasama ang pamilya, at pangatlo, tuwing araw ng miyerkules ay maglilinis ang mga ito ng kapaligiran simula alas 6 ng umaga hanggang alas 9 ng umaga.

     Ayon kay Vice Mayor Santy Austria na tatlong terminong nanungkulan bilang Punong Bayan ng Jaen, mula ng unang maupo siya bilang Mayor noong 2007 ay naging programa na nito ang rehabilitasyon para sa mga nalululong sa masamang bisyo.

     Dagdag ni Vice Mayor Santy, bukas palad nilang tinatanggap ang lahat ng mga kababayan nilang nagnanais na magbagong buhay ngunit hiling lamang nito na sana ay maging tapat sa sarili ang mga ito upang tuluyan ng talikuran ang maling gawain.

     Sinabi naman ni Mayora Sylvia Austria na galing sa sarili nilang bulsa ang perang ginagamit na pangtulong sa mga kababayan nilang nais magparehab, at nakatakda na rin nilang idulog ang naturang programa sa Sangguniang Bayan upang mabigyan ito ng sapat at kaukulang pondo para sa mga mamamayan.

Sina Mayor Sylvia Austria at Vice Mayor Santy Austria ng Bayan ng Jaen habang inilalahad sa mga sumukong drug users at pushers ang mga programang handang ipagkaloob sa kanila para sa pagbabagong buhay.

Sina Mayor Sylvia Austria at Vice Mayor Santy Austria ng Bayan ng Jaen habang inilalahad sa mga sumukong drug users at pushers ang mga programang handang ipagkaloob sa kanila para sa pagbabagong buhay.

    Pagkatapos ng rehabilitasyon ay may kaukulang halaga ding tulong pinansyal na iginagawad sa mga biktima upang makapagsimulang muli ng panibagong buhay.

     Sa 26 katao na kusang loob na nagtungo sa Pamahalaang Bayan ng Jaen, ilan umano sa mga ito ay itinangging sila ay gumagamit ng ipinagbabawal na gamot at sinasabing sila ay sinisiraan lamang.

     Bagaman sinisiraan lamang umano sila ay pinili pa rin nilang sumuko sa pulisya upang malinis ang kanilang pangalan.

     Ngunit ayon kay Police Senior Inspector Joel Dela Cruz, kabilang ang mga ito sa kinatok sa kanilang isinagawang “Oplan Tokhang”.

     Samantala sa Bayan ng San Isidro, nasa 98 katao na umano na aminadong gumagamit at nagtutulak ng droga ang sumuko sa kapulisan na nangakong ititigil na ang masamang gawain. -Ulat ni Shane Tolentino