Umaga pa lang ay nadatnan na naming namimili ng school supplies si Aling Melissa. Kasama ang kanyang anak at apo na magsisipag aral nitong darating na pasukan ng Grade 2 at Grade 5.

Aniya, mas mainam ng maagang makapamili ng mga gamit pang eskwela ng mga bata kasya makipagsiksikan sa mga susunod na araw.

Sa inilabas na Suggested Retail Price o SRP ng mga gamit sa eskwelahan ng Department of Trade and Industry o DTI, ang walo hanggang dalawamput apat na pirasong crayola ay umaabot sa P10-P58. Ang mga notebook ay mabibili sa halagang P9-P31.  Ang writing pad paper ay nasa P9-P14. Habang ang isang piraso ng lapis ay nagkakahalaga ng P3-P10 at ang ballpen naman ay nasa P4-P10.

Ayon kay Romeo Faronilo Chief of Consumer Protection Division ng DTI Nueva Ecija, ang mga presyo ng school supplies sa probinsiya ang naitalang pinakamababa kung ikukumpara sa mga karatig probinisya.

Dagdag ni Faronilo, patuloy ang ginagawa nilang monitoring sa presyo ng mga gamit pang eskwela upang magabayan ang mga mamimili.

Sa linggo-linggo nilang pagmomonitor ng mga presyo ng school supplies ay wala pa namang lumalabag sa itinakdang srp ng ahensiya.

Nagbigay paalala ang DTI sa mga nagtitinda ng school supplies na sumunod sa srp at huwag itaas ang presyo nito habang papalapit ang pasukan.

Hinikayat din ni Faronilo ang mga mamimili na piliin ang mga mura ngunit may kalidad na produkto at maging mapanuri sa bawat binibiling gamit.-Ulat ni Danira Gabriel