Muling nagpaalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magsisimula na ang Demonetization o pagpapawalang-halaga sa mga salaping may lumang disenyo sa pagpasok ng taong 2017.
Ayon sa Section 57 ng R.A. 7653 o ang New Central Bank Act na maaaring palitan ang disenyo ng pera at iba pang features nito matapos ang limang taon. Ang sirkulasyon ng NDS ay umaabot na sa halos tatlong dekada.
Mula Jan. 1 hanggang Dec. 31, 2016 ang mga salaping saklaw ng New Design Series ay hindi na maaring panukli o pambayad. Maaari na lamang itong palitan ng salaping New Generation Currency sa lahat ng uri ng bangko sa pilipinas o sa iba’t-ibang sangay ng BSP.
Ayon kay Teresa Ramoso ng Senior Research Specialist ng BSP-Cabanatuan City, ang mga perang hindi naipalit ay tuluyan ng mawawalan ng halaga at hindi na magagamit sa anumang uri ng transaksiyon.
Habang ang mga “Overseas Filipino Workers” (OFWs) na may NDS na hindi mapapalitan sa takdang panahon ay maaaring magpatala online sa BSP website mula Oct. 1 hanggang Dec. 31, 2016, upang mabigyan sila ng pagkakataong mapalitan sa BSP ang mga hawak nilang NDS. Ang pagpapalit ng NDS ay pinahihintulutan sa loob ng isang taon mula sa araw ng pagpapatala sa BSP website.
Nagbigay din ang BSP ng tatlong tips upang malaman ang peke sa tunay na pera ang Feel, Look at Tilt.
- Feel: magaspang/makapal ang orihinal na pera habang madulas/manipis naman ang pekeng pera. Naka-angat ang imprenta ng mga salitang republika ng pilipinas, salita ng halaga ng pera, portrait at pirma nito.
- Look: kailangang may watermark na nakikita sa kanang bahagi ng pera at may naaaninag na security thread.
- Tilt: kapag tinignan naman ang pera sa iba’t-ibang anggulo, ay nagbabago ang kulay ng security patch at ng window thread. Nakaimprenta rin ang initials na bsp sa window thread.
Para sa iba pang impormasyon at katanungan, maaaring bisitahin ang BSP website sa www.bsp.gov.ph. -Ulat ni Danira Gabriel