Nakikiisa ang provincial government of Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Aurelio “Oyie” Umali at Congresswoman Cherry Umali sa gaganaping pagdiriwang ng ika-66 na taon na pagkakatatag ng Cabanatuan sa darating na buwan ng Pebrero.
Ang nasabing selebrasyon ay may temang “Paglilingkod ng totoo, para sa Cabanatueño.
Nakatakda ang pagdiriwang sa ika-isa hanggang ika-tatlo ng Pebrero na gaganapin sa Freedom Park, Cabanatuan City.
Sa unang araw ng Pebrero ay gaganapin ang Trabahong Umali/ Jobs Fair para sa local at overseas employment mula 8:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.
Inihanda rin ng Provincial Sports and Youth Development Services ang Exhibition Game sa parehong araw kung saan dadaluhan ito ng PBA Legends na sina Alvin Patrimonio, Marlou Aquino, Kenneth Durendes, Bal David, Noli Locsin, Willie Miller, Pido Jarencio, at marami pang iba na makakaharap ang mga piling manlalaro ng Cabanatuan City.
Bukod dito, pakaabangan din ang paghaharap ng mga koponan mula sa Wesleyan University Philippines versus Nueva Ecija University of Science and Technology at Aftersix/Dribblers versus Thursday/Tuesday Club na magsisimula sa ganap na 4:30 ng hapon.
Kabilang pa sa mga nakalinyang aktibidad ang Zumba Fitness Party with Joshua Zamora kasama ang ALZINC Association of license Zumba Instructors in Cabanatuan na gaganapin sa ika-dalawa ng Pebrero, 4:00 ng hapon.
Sa pagsapit ng mismong pistang araw sa ika-tatlo ng Pebrero ay idaraos ang Let’s Go Bingo Cabanatueño “the Grand Bingo” na maaaring manalo ang mga dadalo ng iba’t ibang papremyo tulad ng cellphone, laptop, ipad mini, refrigerator, LED television, motor at marami pang iba.
Asahan din sa pagtatapos ng selebrasyon ang pinakahihintay ng lahat, ang makulay at magarbong Fireworks Display na tatagal ng halos sampung minuto.
Kaya naman ang lahat ay inaanyayahan na dumalo para sa gaganaping selebrasyon sa ika-66 na taon na pagkakatatag ng Cabanatuan sa pangunguna ng Provincial Government of Nueva Ecija sa pakikipagtulungan ni Kapitan Ramon Suka Garcia at Doc Anthony Matias Umali.- Ulat ni Shane Tolentino