Tuloy pa rin ang kampanya laban sa illegal na droga ng Nueva Ecija Provincial Police sa pamumuno ni Police Superintendent Antonio Yarra sa ilalim ng United Stand Against Dangerous Drugs sa kabila ng pagkakabuwag ng Anti-illegal Drugs Group ng Philippine National Police.
Sa isang press conference, sinabi ni Provincial Director Yarra na bagaman sinusunod ng kapulisan ang direktiba ni Presidente Rodrigo Duterte na pansamantalang itigil ang mga operasyon kaugnay ng pagsugpo sa illegal na droga ay responsibilidad pa rin nilang umaksyon kapag may mga reklamong inihain sa kanila ngunit kailangang may koordinasyon ito sa Philippine Drugs Enforcement Agency.

Si NEPPO Pro’l Dir. PSSUPT Antonio Yarra.
Paliwanag ni Yarra na sa pamamagitan ng USAD ipinatutupad pa rin ang apat na mga sumusunod na yugto ng kampanya laban sa droga: ang advocacy awareness, reformation, law enforcement and barangay empowerment.
Kaya naman mananatiling operational ang mga Bahay Pagbabago sa mga lungsod at munisipalidad kung saan dadalhin ang 28, 000 na drug surrenderers ng lalawigan upang magkaroon muli sila ng pagkakataong maging mga produktibong mamamayan.
Matapos ang launching ng USAD at approval ni Governor Czarina Umali ng adaption nito ay ibinababa na ito sa mga lokal na pamahalaan at mga barangay upang mapabilang sa LACAP o Local Anti-criminality Action Plan.
Naniniwala si Yarra na ang illegal na droga ay problemang pampamilya na nakaapekto sa komunidad at lipunan. Kaya naman matutugunan aniya ito kung makikipagtulungan ang lahat ng sektor sa mga programa ng mga ahensiya ng gobyerno tungkol dito na siyang layunin ng USAD.- Ulat ni Clariza De Guzman