Nadiskubre ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan partikular na ni Vice Mayor Anthony Umali sa unang araw na pagdinig ng Annual Budget para sa taong 2018 ang sobrang pondo ng City Government na nagkakahalaga ng halos Apat na Pu’t Limang Milyong Piso.
Ayon kay Vice Mayor Umali, base sa ginawa niyang pag-aaral sa mga iprinisintang dokumento ng Local Finance Committee na binubuo ng Treasurer’s Office, Budget Office, Accountant’s Office, Planning and Development Office and Consultant of the City Mayor ay lumitaw na naglaan ang City Government ng sobrang P44.9 Million para sa susunod na taon.
Sa pagkakatapyas, ang unang bahagi ay pumapatak ng P12.6 Million ang halaga na sobra mula sa Salary and Wages ng mga empleyado ng Lokal na Pamahalaan.
Paliwanag ni Budget Officer Laureta Jacinto, sinosobrahan talaga nila ang pondo upang hindi kapusin sa pagpapasweldo ang mga departamento.
Habang ang ikalawang bahagi ay mula sa debt servicing ng lungsod na pambayad sa pagkakautang sa Land Bank of the Philippines. Kung saan, pinaglaanan ng halagang P130 million. Samantalang, P97 million lamang ang dapat bayaran ng lungsod para sa taong 2018. Lumalabas na sobra ng P32 million ang pondo para sa debt servicing.
Katwiran ni City Accountant Officer Carmelita Llena, ang sobrang pondo ay gugugulin bilang advance payment sa taong 2019 upang makadiskuwento ng Walong Milyong Piso sa interes ng naturang utang.
Sa sumatotal, kapag pinagsama ang sobra sa Salary and Wages at ang labis sa inilaang pambayad sa bangko. Pumapalo sa P44.9 million ang excess sa pondo ng lungsod.
Ayon kay VM Umali at Kon. Gave Calling, bakit uunahin pang mag advance ng City Government sa pagbabayad ng utang samantalang napakaraming programa at proyekto ang nakatengga dahil di umano ay walang pondong pagkukuhanan.
Katulad na lang ng nakabinbin na Third Tranche Salary Increase ng humigit kumulang Isang Libong Empleyado ng City Government na aabot lamang sa P29 million ang kakailanganin na pondo para sa buong taon.
Binigyang diin ni VM Umali, huwag ipagdamot ang para sa tao at ibigay ang para sa mga empleyado.
Ang nakakalungkot pa aniya sa ikalawang araw ng Budget Hearing ay hindi dumalo ang karamihan sa mga Konsehal kaya’t nakansela ang sana’y pagdinig ng komite.
Hinala pa ng Bise Alkalde, hihintayin ng mga hindi kaalyadong Konsehal na maging Acting Mayor siya sa mga susunod na linggo upang iba na ang maging Presiding Officer sa Sanggunian para mailusot ang panukalang Annual Budget at hindi ang itinutulak niyang Amyendasyon na maidagdag ang Salary Increase ng mga empleyado.-Ulat ni Danira Gabriel