
Dr. Reynante Ordonio, Senior Science Research Specialist
Pinaninindigan ng PHILRICE o Philippine Rice Research Institute na dapat ipagpatuloy ang pagde-develop sa kontrobersiyal na Genetically Engineered Rice na Golden Rice.
Tinaguriang Golden Rice ang makabagong inobasyon sa rice breeding kung saan nilalagyan ng mataas na level ng Beta Carotene ang butil ng palay na nagbibigay ng dilaw na kulay sa bigas.
Inaasahan ng mga nagsusulong nito na magiging solusyon ang dilaw na bigas sa problema ng mga Pilipino sa kakulangan sa Vitamin A.

Inside the Rice Museum is a replica model of the controversial “Golden Rice”.
Pinabulaanan ni Philrice Senior Science Research Specialist Dr. Reynante Ordonio, sa ekslusibong panayam ng Balitang Unang Sigaw ang mga sinasabi ng mga kumokontra sa Golden Rice na masama ito sa kalusugan ng tao dahil ang sobrang pagkonsumo nito ay pwedeng makalason.
Ipinaliwanag ni Dr. Ordonio na ang palay ay isang self-pollinating crop o sa mga bulaklak nagpo-produce ng butil ng bigas na hindi na nangangailangan ng cross pollination kaya hindi daw ito makakasira sa kalikasan.
Mababa rin umano ang posibilidad na makakontamina ito ng ibang organism kung ang magiging distansiya ng taniman nito ay nasa 3 meters at higit pa.
Bagaman inamin ni Dr. Ordonio na idinonate ito ng Syngenta ay wala aniyang katotohanan na negosyo ang dahilan sa likod nito. -Ulat ni Clariza de Guzman