
Sa kabila ng kapansanan ni Jinuelle Pacson isang batang may Hemophilia, ay hindi ito naging hadlang upang siya ay makapaghanap-buhay.
Nadiskubre ani Jennasel Pacson, ina ni Jinuelle ang galing nito sa larangan ng ‘origami’ ng minsan ay mag-uwi ito ng mga gamit sa bahay mula sa kaniyang dinaluhang seminar bilang isang guro.

Sinubukan lang aniya na paglaruan ng anak ang mga uwing gamit katulad ng colored paper, glue stick, gunting at glu hanggang sa nakabuo at nakahiligan na nito ang paggawa ng mga iba’t ibang magaganda at malikhaing disenyong pang-display katulad ng mga paborito nitong cartoon character.

Kuwento pa sa amin ni Jennasel, labing isang buwan pa lamang si Jinuelle ay na ‘dignosed’ na ito sa sakit na Hemophilia o bihirang sakit na kung saan ang dugo ay hindi normal na namumuo dahil sa kakulangan ng blood-clotting Proteins.
Nagkaroon aniya ng Factor 8 deficiency ang kaniyang anak na kapag nagkakasugat ay hindi agad nagsasara ang sugat nito at walang tigil ang pagdurugo kaya’t ang pagsasalita at pandinig nito ay apektado.

Ibinahagi pa nito na pinagkakakitaan na ng kaniyang anak ang mga gawang pang-display. Nakakatulong rin umano ang kaniyang hanap-buhay sa pang-araw araw niyang pangangailangan.Nasa 20,000 pesos naman aniya ang kanilang ginagastos sa bawat pagpapagamot ni Jinuelle.
Ayon naman sa kaniyang guro na si Rycel Cornes , malaki ang kanilang ginagawang adjustment sa tuwing nakakaliban ito sa klase dahil sa kundisyon nito. Personal aniyang dinadalaw ang estudyante niya para bigyan ng lesson na kaniyang pag-aaralan.
Ipinagmamalaki naman ng School Principal na si Teresita Cuaresma si Jinuelle, dahil galing aniya sa kaniyang nasasakupan ang batang nasa likod ng magaganda at malikhaing gawa na origami.
Ang Origami ay mula sa salitang ori na na ang ibig sabihin ay “pagtitiklop”, at kami na ang kahulugan ay “papel” na nakaugaliang salitang Hapones na sining ng pagtutupi ng papel, na nagsimula noong ika-17 daantaon.

Nagkakahalaga naman ng 2, 500 pesos ang gawang Sunflower na dalawang linggo niyang ginagawa, at 50 pesos naman ang pinakamura katulad ng Butterflies. Ang mga ibang cartoon character katulad ng Pikachu ay nasa 300 pesos, Angry birds, Minions na nasa 350 pesos, Bears, Cats, Swan, Fruit basket, Flower base at Elephant ay nagkakahalaga naman ng 800 pababa. Sa Mark Jinuelle Baniqued Pacson Facebook Page naman maaring kumontak at umorder ng mga gawa ni Jinuelle.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran