Samu’t saring suliranin ang napag-usapan sa naganap na Organic Agriculture Stakeholders Dialogue, kamakailan, kabilang ang pangamba ng mga organikong magsasaka sa kontaminasyon ng tubig at hangin bunsod ng paggamit ng mga nakalalasong kemikal na nakasisira ng kalusugan at kalikasan.

   Ayon kay Provincial Agriculturist Serafin Santos, nanganganib ang programa sa pagsusulong ng organikong pagsasaka sa Lalawigan ng Nueva Ecija dahil sa iba’t-ibang chemical products na tinetest ngayon sa probinsya na nagiging dahilan ng kontaminasyon sa hangin at tubig.

   Dahil dito, nagkaisa ang mga stakeholders na gumawa ng manipesto ukol sa usaping ito na ipapasa sa Tanggapan ni Governor Czarina Umali, upang magkaroon ng imbestigasyon at matukoy ang uri ng mga nakalalasong kemikal na dapat nang ipagbawal sa Lalawigan.

   Sa kabuuan ay nasa 264, 737 ektarya ang Agricultural Area ng probinsya, 8.57% nito ang Organic Area na may kabuuang 22, 040 ektarya.

   Umaabot naman sa 3, 090 ang mga organikong magsasaka sa Lalawigan, 3, 046 dito ay mga magsasaka mula sa labing dalawang Organic Area Associations and Organizations ng Nueva Ecija, at 44 ang individual farmers.

   Ang naturang pagpupulong ay alinsunod sa inisyatibo ni Governor Cherry Umali, kung saan inihayag nito ang kanyang pagsuporta sa organic farming upang magkaroon ng ligtas at malusog na pangangatawan ang mga mamamayan.

   Naroon din ang mga Japanese Investors na naghayag ng kanilang pagnanais na mamuhunan para sa organikong mga produkto ng lalawigan.

   Sa panayam kay Provincial Agriculturist Santos, sinabi nito na sa kasalukuyan ay mababa pa lamang ang demand ng mga organikong produkto sa probinsya at pangunahing suliranin din ng mga magsasaka ang pagmamarket.

   Dagdag ni Santos, kung mabibigyan ng kaalaman ang mga consumers sa magandang maidudulot ng mga organikong produkto sa kalusugan ng tao ay tataas ang demand ng mga ito. – Ulat ni Jovelyn Astrero