Laksa-laksang mga langaw ang namemerwisyo sa mga residente ng brgy. San Miguel na Munti sa bayan ng Talavera na nagmumula umano sa ilang Poultry Farm na ilang kilometro lang ang layo sa kanilang mga kabahayan.

Reklamo ng ilang residente halos isang buwan na ang ganitong eksena sa kanilang brgy. at marami na sa kanilang mga anak ang nagkakasakit dahil dito.

Kaya ang ilang residente, kaniya-kaniyang diskarte sa pagtaboy at pag-iwas sa mga pesteng langaw.

Ngunit sa kabila nito, ilang maliliit na negosyo  pa rin tulad ng mga kainan ang isa-isa nang nagsara dahil sa pagdalang ng mga parokyanong dumadating upang kumain dahil sa mga langaw kaya ang resulta pagkalugi sa kanilang mga hanapbuhay.

Ayon kay Provincial Health office Chief Dr. Benjamin Lopez, maraming sakit ang maaaring makuha sa mga langaw gaya na lamang ng pagsuuka at pagtatae na maaaring lumala at mauwi sa mas malalang karamdaman.

Kaya naman hiling ng ilang residente, tanggalin ang mga naturang Poultry na ilang taon na umanong nagpapahirap sa kanilang mga kalooban dahil sa mga insekto.

Samantala sa panayam namin kay Vergilio Palillio may-ari ng Palillio Poultry Farm, sinabi nito na ikinalulungkot nila ang pagdagsa ng langaw sa kanilang lugar dahil maging sila ay napeperwisyo rin ng mga ito.

Bagaman hindi direktang itinatanggi ni Palillio na maaari o posibleng nakapagdudulot nga ng langaw ang kanilang hanapbuhay, hiling niya na unawain ng kaniyang mga kabarangay ang kanilang kalagayan at tingnan pa ang ilang posibleng mga dahilan tulad ng pagkakaroon ng maraming pinya sa kanilang lugar na mabango aniya sa mga langaw.

Pangako naman ni Palillio sa kanyang mga kabarangay na tripleng pag-iingat at pagkontrol ang gagawin nila upang hindi na mas dumami pa ang mga langaw na pumepeste sa kanilang brgy.

Samantala kasabay nito, sinubukan rin naming kuhanan ng pahayag ukol sa isyu ng langaw ang isa pang may-ari ng Poultry na si Jun-Jun Trinidad ngunit wala umano ito sa kanyang opisina, gayundin ang punong brgy. ng San Miguel na Munti na si Kapitan Florante Umali na siya umanong unang umaksyon sa nasabing reklamo kasama ang lokal na pamahalaan ng Talavera.

Hanggang sa kasalukuyan ay pinag-aaralan pa umano ng pamunuan ng brgy. ng San Miguel na Munti at local government ng Talavera ang

naturang reklamo maging ang mga Poultry kung mayroon nga ba itong pagkukulang at naging kapabayaan.- Ulat ni Mary Joy Perez