Kinukwestyon umano ng Philippine National Bank ang mga itinalaga ni Mayor Lucio Uera na Municipal Accountant at Treasurer ng lokal na Pamahalaan ng Pantabangan na si Miss kaya ayaw ibigay ng bangko ang sweldo ng mga empleyado ng Munisipyo para sa buwan ng Mayo ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Mayor Uera, nagbigay ng manifesto si Vice Mayor Ruben Huerta sa PNB na nagpapahayag na hindi niya kinikilala sina Ms. Jennifer Barcelo bilang Municipal Accountant at Mrs. Elvira Rosales bilang Municipal Treasurer.

Upang makuha na ang sweldo ng mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Pantabangan, nakikiusap si Uera kay Huerta na pasumandali muna nilang kalimutan ang kanilang hindi pagkakaunawaan.

Naninindigan si Mayor Uera na kahit expired na ang TRO mula sa Court of Appeals ay siya pa rin ang legal na Punong Bayan ng Pantabangan, pinagbabasehan niya ang huling order ng DILG na nagsasabing mananatili siya sa kanyang posisyon hanggang sa muling magbaba ng kautusan ang korte.

Samantala, pinanghahawakan naman ni Vice Mayor Huerta ang liham mula kay DILG Undersecretary Austere Panadero kung saan nakasaad ang kanyang pagiging lawful successor ng nasabing pwesto dahil sa hindi nakakuha ng injunction si Uera.

Sa kabilang banda, sinagot naman i Nueva Ecija Provincial Administrator Attorney Alejandro Abesamis ang sulat ni Vice Mayor Huerta kung saan ipinagbigay-alam ni Huerta na siya na muli ang Mayor ng Pantabangan dahil nag-lapse na ang TRO ni Mayor Uera.

Sa dalawang pahinang liham ni PA Alejandro Abesamis kay Vice Mayor Huerta, sinabi nitong hindi pa maaaring kilalanin ng Pamahalaang Panlalawigan ang deklarasyon ni Huerta ng kanyang muling pag-upo bilang Punong Bayan ng Pantabangan dahil wala namang direktiba mula sa DILG.

Paliwanag ni Abesamis, ang tinutukoy nitong kautusan galing sa DILG ay sagot lang ni Undersecretary Panadero sa pagtatanong ni Huerta tungkol sa pagiging lawful successor niya bilang Mayor ng Pantabangan kung sakaling napaso na ang TRO at hindi nakakuha ng injuction si Uera.- Ulat ni Clariza De Guzman

[youtube=http://youtu.be/oxlb8KRBPVI]