Muling ibinalik ng Sangguniang Panlalawigan sa Provincial Legal Office sa ikatlong pagkakataon ang ordinance number 037-2014 o ang revision ng fair market values ng mga ari-ariang di-natitinag sa Cabanatuan City upang suriin kung tama ba ang prosesong pinagdaanan at nilalaman nito.

Ayon kay 3rd District Board Member Johnero Mercado, bilang isang Cabanatueñong nagbabayad ng buwis ay apektado siya ng mangyayaring pagtataas ng singil sa amilyar bunsod ng nasabing ordinansa at bilang representante ng mamamayan ay tungkulin nila sa Sanggunian na pag-aralang mabuti ang batas na ipinapasa.

Komento ni Board Member Mercado, dapat na makaabot sa malawak na mamamayan ng Cabanatuan ang mga pagbabagong gagawin sa fair market values ng real properties kaya dapat lamang na sa mga pahayagang malimit basahin ito ipalathala.

Sinang-ayunan naman ni Association of Barangay Captains President Attorney Edmund Abesamis ang pinupunto ni Bokal Nero, paliwanag ni Bokal Abesamis, trabaho ng Sangguniang Panlalawigan na alamin kung sakop o hindi ng kapangyarihan ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan City ang pagsasabatas at pagpapatupad ng nasabing ordinansa.

Maaaring tama umano ang prosesong pinagdaanan ng ordinansa, gaya ng sinasabi ng pinakahuling opinyon ng legal office na nag-comply o sumunod ang Konseho ng Cabanatuan sa requirement ng pagpa-publish o pagpapalathala ng ordinansa sa pahayagang Dahong Palay ngunit dapat din aniyang tignan kung tama ang nilalaman ng ordinansa.

Dagdag ni Bokal Edmund, kahit tama ang proseso kung mali naman ang laman ng ordinansa ay hindi maaaring isabatas o ipatupad ng Sangguniang Panlungsod ang ordinansang magtataas ng amilyar sa Cabanatuan.- Ulat ni Clariza De Guzman

[youtube=http://youtu.be/lEu1J5Uyds8]