Iginiit ng mag-live in partner na sina Cristina Sergio at Julius Lacanilao, na nahaharap ngayon sa kasong Large Scale Illegal Recruitment, na hindi sila masamang tao at wala silang sinumang niloko.
Sa eksklusibong panayam ng TV 48 kina Sergio at Lacanilao na kasalukuyang nakapiit sa Nueva Ecija Provincial Jail, sinabi ng dalawa na sila ay dating mga OFW na biktima din ng umano’y pangmamaltrato sa ibang bansa.
Labis na umano ang dinanas ng mag-live in partner sa kamay ng gobyerno dahil one sided at hindi daw patas ang naging pagtingin sa kanila nito.
Giit ng dalawa nilabag ng NBI o National Bureau of Investigation ang kanilang karapatang pantao dahil umano sa iligal na pag-aresto sa kanila.
Dagdag ni Sergio, handa naman silang makipagtulungan upang maabswelto si Mary Jane Veloso mula sa hatol na bitay sa bansang Indonesia dahil sa drug trafficking.
Kaugnay nito, tinatapos naman na maisalin mula sa English hanggang sa lenggwaheng Bahasa ng bansang Indonesia ang affidavit ni Sergio upang mapag-aralan na inaasahang makakatulong upang mapababa ang parusang bitay kay Veloso.
Mariin muling itinanggi nina Sergio at Lacanilao na sila ay mga illegal recruiter, kaya huwag anila sana silang agad na husgahan ng publiko.- Ulat ni Shane Tolentino